Unang araw ng paghahain ng COC naging maayos, ayon sa Comelec

(Photo Courtesy: PTV FB)

Naging maayos at walang gaanong naging aberya sa unang araw ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga pulitiko.

Sinabi ni Commission on Elections (COMELEC) spokesman James Jimenez na naging smooth sailing ang paghahain ng COC ng mga nais kumandidato para sa May 9, 2022 national elections.

Ito ay dahil sumunod naman ang mga kandidato  sa ipinatutupad na health protocols ng Comelec.

“People have been very good about complying about (sic) the antigen test, about face masks and face shields, and the social distancing. Of course, it is a little difficult to always maintain social distance, but we are trying and we think that everyone deserves credit for being aware of this requirement at all times,” pahayag ni Jimenez.

Pinayuhan naman ni Jimenez ang mga miyembro ng media na magpakita ng kanilang COVID-19 negative test results para makapasok sa filing site sa Sofitel.

Iginiit naman ng Comelec na kailangan ay “hard copy” ang ipapakita nila dahil kapag “soft copy” ay hindi nila tatanggapin.

Kabilang sa mga nakapaghain ng kanilang kandidatura sa pagkapangulo at pangalawang pangulo ay sina PDP-Promdi Alliance  Senator Manny Pacquiao at running mate na si Buhay Partylist Rep. Lito Atienza.

Kabilang naman sa senatorial bets na maagang naghain ng COC sina House Deputy Speaker at Antique Rep. Loren Legarda, Sorsogon Gov. Chiz Escudero na naghain ng kanyang kandidatura sa pamamagitan ng kanyang  kinatawan, at dating Pagsanjan Mayor Abner Afuang.

Naghain din kanyang kandidatura si re-electionist Pasig City Mayor Vico Sotto. Napili niyang running mate si Dodot Jaworski.

Sa Quezon City, kakandidato rin bilang Councilor ng first district si Doland Castro na dating reporter ng ABS-CBN.

Sa partylist naman ay kabilang ang AGAP Partylist, Kabayan Partylist, DIWA PL, Pilipinas para sa Pinoy, Alona, Democratic Workers Association, Toda, CANCER PL, People’s Volunteer Against Illegal Drugs.

Kasama rin sa mga naghain ngayon ang Ang Probinsyano Party List (APPL) na kakandidato para sa ikalawang termino sa  kongreso.

Magtatapos ang filing of certificate of candidacy sa October 8.

(Jocelyn Domenden)

The post Unang araw ng paghahain ng COC naging maayos, ayon sa Comelec appeared first on News Patrol.


Source: News Patrol PH

Post a Comment

0 Comments