Sen. Hontiveros, itinangging sinuhulan ang testigo laban sa Pharmally; abogado ng Pharmally, binuweltahan

(Photo courtesy: Screengrab Senator Risa Hontiveros FB)

Pathetic narrative na puno ng kasinungalingan at malinaw na diversionary tactic.

Ito ang reaksyon ni Senator Risa Hontiveros sa alegasyon ng abogado ni Pharmally Pharmaceutical Corporation Linconn Ong.

Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, abogado nI Ong, binayaran o sinuhulan umano ng tanggapan ni Hontiveros ang warehouseman ng Pharmally na nagsabing pinalitan nila ang expiry date o production date ng face shields.

Nagpa-presscon pa si Topacio kamakailan at naglabas ng video kung saan isa pang empleyado umano ng Pharmally ang nagpapatunay sa naganap umanong panunuhol ng testigo.

Pero giit ni Senator Hontiveros,  hindi nila papayagan ang paninira at pambababoy sa katotohanan na ginagawa ni Atty. Ferdinand Topacio.

Pag-aaralan aniya ng kanilang legal team kung kailangan nila ng legal action laban sa paninira ni Atty. Topacio.

Giit ni Hontiveros, nililihis ni Topacio ang atensyon mula sa imbestigasyon dahil mayroon silang naisisiwalat na nagpapalakas sa iregularidad sa transaksyon ng Pharmally sa gobyerno.

Ayon kay Hontiveros na tulad ng lumang mga face shield, luma o bulok din daw ang estilo ng abogado ni Ong.

Giit pa ng Senadora na may track record sila sa pagprotekta ng mga testigo sa mga kontrobersya na kanilang iniimbestigahan.

Sa virtual presscon, kasamang humarap ni Hontiveros ang kanyang chief legislative officer na si Atty. Jaye Bekema na idinawit sa alegasyon ng panunuhol at ang warehouseman na lumapit sa kanila at nagsiwalat na pinalitan nila ang production date ng face shields.

Ayon kay Atty. Bekema na noon pang September 9 nagmessage ang warehouseman ng Pharmally kung saan hindi nila ito agad pinatulan dahil diskumpiyado siya kung mayroon talagang expiry date ang mga face shield.

Pero nagpakita aniya ang warehouseman ng litrato ng ginawa nilang pagrerepack bagay na hindi lang nilang maipakita sa hearing ng blue ribbon dahil may mukha ng iba pang mga empleyado.

(Estrella Bueno)

The post Sen. Hontiveros, itinangging sinuhulan ang testigo laban sa Pharmally; abogado ng Pharmally, binuweltahan appeared first on News Patrol.


Source: News Patrol PH

Post a Comment

0 Comments