Nag-isyu ng recall order ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa field officer nito sa Quezon City.
Kinilala ang ni-recall na opisyal na si Atty. Joel P. Petaca ng DOLE-National Capital Region Office.
Ang recall order ay ginawa matapos pumutok ang isyu tungkol sa umano’y anomalya sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na isa sa pangunahing programa ng pamahalaan .
Matatandaang pinaimbestigahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang nasabing iregularidad sa pagpapatupad ng programang cash for work o TUPAD sa ilang distrito sa Quezon City.
Ang recall order laban kay Petaca ay upang bigyang linaw ang nasabing isyu ng anomalya sa TUPAD program.
“Gusto kong alamin kung bakit pinayagan niyang mangyari ang ganitong problema sa implementasyon ng TUPAD sa Quezon City. Dapat ay binabantayan niya ang programa ng ating kagawaran. Naging pabaya ba siya?” paliwanag ni Bello sa ginanap na paglulunsad ng ‘Bikecination’ at iba pang pangunahing proyektong pangkabuhayan ng DOLE sa lungsod ng Pasay nitong Martes.
Ayon sa ulat, hindi natatanggap nang buo ng mga residente ng QC ang kanilang benepisyo sa ilalim ng TUPAD program .
Ipinaabot din sa kaalaman ng mga otoridad ang ulat na may ‘ghost beneficiaries’ ang programa.
Ang imbestigasyon ng DOLE sa nasabing isyu ay halos tapos na at hinihintay na lamang nila ang pormal na ulat mula sa imbestigasyon naman ng National Bureau of Investigation (NBI).
“Kapag naisumite na ang lahat ng report, pananagutin natin ang lahat ng indibidwal na nasa likod ng iregularidad na ito,” ayon pa kay Bello.
(Jocelyn Domenden)
The post SEC. BELLO, NAG-ISYU NG RECALL ORDER LABAN SA DOLE FIELD OFFICER KAUGNAY NG ANOMALYA SA TUPAD PROGRAM appeared first on News Patrol.
Source: News Patrol PH
0 Comments