Magkakaroon ng pagbabago o “revisions” sa Joint Memorandum Circular hinggil sa paggamit ng face shield, ayon sa Department of Health (DOH).
Kasunod ito sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring hindi na magsuot ng face shields sa pampublikong lugar, maliban sa tatlong C, ang close, crowded areas at close contact.
Sinabi ni Usec. Maria Rosario Vergeire sa press briefing na ang revisions ay kanila nang inihanda at hinihintay na lamang ang pagsang-ayon ng walong ahensya ng gobyerno na kabilang sa joint memorandum circular.
Gayunman, sinabi ng opisyal na magkakaroon ng “refocus” sa paggamit ng face shields sa mga “high risk areas” o mga lugar na nasa Alert Level 3, 4 at 5, sa ilalim ng 3Cs framework.
Dagdag pa ni Vergeire, mayroong rekomendasyon ang mga eksperto kasama ang DOH.
Kabilang dito ang pagsusuot pa rin ng face shield sa indoor activities na may crowd o maraming tao, mayroong posibilidad ng close contact base sa “nature of work” o trabaho, establishments at public transport.
Kailangan din sa indoor at outdoor dining ang pagsusuot ng face shield maliban kung kakain na, gayun din sa indoor at outdoor gatherings at crowded settings.
Binigyang diin pa ng opisyal na kailangan pa rin na maipatupad ang pagsusuot ng face shields sa 3Cs dahil na rin sa pagkakaroon ng mga variant tulad ng Delta.
(Jocelyn Domenden)
The post DOH: PAGSUSUOT NG FACE SHIELD MAGKAKAROON NG “REVISIONS” appeared first on News Patrol.
Source: News Patrol PH
0 Comments