CLOVER COVID-19 VAX NG CHINA 79% EPEKTIBO VS DELTA VARIANT

(Photo courtesy: Gavi.org thru Asiaone.com)

Umabot sa 79% ang efficacy rate ng Clover COVID-19 vaccine laban sa Delta variant, matapos ang isinagawawang trial ng Clover Biopharmaceuticals.

Ginawa ang trial sa 207 symptomatic COVID-19 cases kung saan ang 52 ay mula sa bakunadong grupo at 155 naman ay galing sa placebo group.

Nagsagawa ang kumpanya ng gene sequencing analysis sa 146 cases at ang tatlong prevalent variants ay Delta, Gamma, at Mu.

Lumabas sa efficacy analysis ang 56 Delta cases, 37 kaso ng Mu at 13 kaso sa Gamma.

Ayon kay Joshua Liang, ang CEO ng Clover Biopharmaceuticals matagumpay nilang naipakita ang efficacy ng naturang bakuna.

“We are pleased that SCB-2019 has successfully demonstrated efficacy against the globally dominant Delta strain and other concerning variants,” pahayag ni Liang.

Lumabas din sa late-stage trials na kayang pigilan ng bakuna ang 67% ng COVID-19 anuman ang lala nito.

Ito umano ang kauna-unang Chinese vaccine na makapagbibigay ng malinaw na efficacy data laban sa Delta variant.

Ang paggawa ng bakuna ng Clover ay pinondohan ng $328 million mula sa Coalition for Epidemic Preparedness Innovations na sumuporta rin sa paggawa ng mga bakuna ng AstraZeneca at Moderna.

Lumagda rin ito ng kasunduan sa Gavi, ang vaccine alliance para mag-suplay ng 414 million doses ng COVID-19 vaccine sa Covax Facility.

Nakatakdang paaprubahan ng kompanya ang kanilang bakuna sa mga regulator sa China, European Union at sa World Health Organization sa fourth quarter ng 2021 at umaasang masisimulan ang roll out ng bakuna sa katapusan ng taon.

(Toni Tambong)

 

The post CLOVER COVID-19 VAX NG CHINA 79% EPEKTIBO VS DELTA VARIANT appeared first on News Patrol.


Source: News Patrol PH

Post a Comment

0 Comments