Walang kahirap-hirap na nakuha ng Pharmally Pharmaceuticals Corp. ang malaking bahagi ng P42-bilyong kontrata sa Department of Budget Procurement Service (PS-DBM).
Ito ang ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga anomalya sa pagtugon ng pamahalaan sa pandemya.
Ibinatay ni Lacson ang pahayag sa dokumento mula mismo sa DBM na nagsasabing sa 45 suppliers, nakuha ng Pharmally ang 26.39 porsiyento na kabilang ang P42 bilyon na inilipat ng Department of Health (DOH) sa PS-DBM.
“Out of 44 other suppliers, Pharmally ang No. 1, and you bagged 26.39% of the P42 billion transferred by DOH to the PS-DBM even with a P625,000 initial capitalization,” sabi ni Lacson kay Pharmally Director Linconn Ong sa senate hearing.
“We’d like to find out from PS-DBM. Ito ba ang kultura sa PS-DBM, ang bulk more than 26% of contracts napunta sa Pharmally? Or this is unusual? Or this is very special?” tanong ni Lacson.
Nagtataka rin si Lacson sa pagbili ng mga luxury cars ng mga opisyal ng Pharmally matapos na makuha ang nabanggit na kontrata.
Ayon sa mambabatas, ang ibang negosyanteng kumita sa unang pagkakataon ay pinapagulong ang kinita upang madagdagan ang puhunan na taliwas aniya sa ginawa ng mga taga-Pharmally.
Una nang napaamin ni Lacson ang Pharmally employee na si Krizle Mago na nagbigay ng utos sa isa nilang bodegero na palitan ang expiry date mula 2020 sa 2021 ng mga face masks na para sa PS-DBM.
Sa pag-amin ni Mago, ginawa niya umano ito bilang empleyado sa utos ng nakatataas sa kanya na si Mohit Dargani.
“Who ordered you to give the instruction to the warehouseman to remove the label? I suppose it was not on your own initiative you gave that instruction?” Tanong ni Lacson kay Mago, na sa bandang huli ay sinabi niyang si Dargani ang nag-utos sa kanya.
Inamin din ni Mago na nagpatuloy ang kanyang pakikipagpalitan ng email ayon na rin sa utos ng nakakataas sa kanya, sa PS-DBM kahit pa na-deliver na ang mga face masks na in-order ng ahensiya.
“Why did you respond to the PS-DBM’s email when the day before, you already delivered what was asked of your company? What was the purpose of sending the response?” tanong ni Lacson.
Inungkat din ni Lacson ang Tigerphil Marketing Corp., na pinanggaligan ng face masks ng Pharmally, at kung paano ito nakabenta ng P21.51 milyon sa Pharmally nitong 2020 gayung ang audited financial statement para sa 2020 ay P3.479 milyon lamang.
Matapos nito ay inamin ni Tigerphil president Albert Sy na nagbayad sila ng P553,886.88 na amended tax returns nitong Biyernes – matapos simulan ng Senado ang pagdinig.
“If the Blue Ribbon Committee did not conduct the hearing, would you pay the amended tax returns?” tanong ni Lacson kasabay ng pagsasabing hindi totoong walang nangyayari sa mga ginagawang pagdinig ng Senado.
“Maski papano, nagbayad. So hindi totoong walang nangyayari sa pagdinig nating ito,” banggit ng mambabatas.
Nagtataka din si Lacson kung paano nahanap ng Tigerphil ang Green Trends na pinagkuhanan nito ng face masks para sa Pharmally gayong ang Green Trends ay may kaduda-dudang address.
Samantala, kahapon September 24 ay iniutos ng Senado ang pagpapadala kay Pharmally executive na si Linconn Ong sa Pasay City Jail dahil sa pag-iwas nitong sagutin ang tanong ng mga senador at patuloy na pagsisinungaling.
The post LACSON: MALAKING BAHAGI NG P42B NA PROYEKTO NG PS-DBM, WALANG KAHIRAP-HIRAP NA NAKUHA NG PHARMALLY appeared first on News Patrol.
Source: News Patrol PH
0 Comments