Inaasahan ng Commission on Elections na makuha ang suporta ng mga mambabatas para mabawi ang hiling na pondo para sa 2022 na hindi isinama sa panukalang budget.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez na 64 porsyento ng kanilang budget ang natapyas na nais nilang maibalik.
Ang panukalang budget ng tanggapan ay P47 bilyon pero nasa P20 bilyon lamang ang inabrubahan ng Department of Budget and Management (DBM).
Kritikal aniya ito dahil gagamitin ang pondo para sa gastusin ng Comelec sa mismong araw ng eleksyon kasama na ang honoraria para sa mga guro.
Kung hindi maibibigay nang buo ang hiling na pondo ng Comelec, mabibigo silang mapagbigyan ang hirit ng Dept. of Education.
Humihiling ang DepEd ng dagdag honoraria para sa mga guro na magsisilbi sa halalan kung saan kabilang ang travel allowance.
Kapag nangyari ito, sinabi ni Jimenez na ang masasagot ng Comelec ay ang itinatakda lamang na benepisyo para sa mga guro sa ilalim ng Election Service Reform Act.
Ayon pa sa Comelec, tinatayang nasa 330 libong guro ang magsisilbing Electoral Board para sa 2022 Election.
(Jocelyn Domenden)
The post COMELEC UMAASA SA SUPORTA NG MGA MAMBABATAS PARA MABAWI ANG NATAPYAS NA 2022 BUDGET appeared first on News Patrol.
Source: News Patrol PH
0 Comments