PAKIKIRAMAY SA PAGPANAW NG KOMEDYANTENG SI MAHAL, BUMUHOS SA SOCIAL MEDIA

(Photo Courtesy: PTV FB)

Bumuhos ang pakikiramay sa social media sa pagpanaw kahapon ng komedyanteng si Mahal o Noeme Tesorero sa tunay na buhay.

Kinumpirma ito ng kanyang kapatid na si Irene Tesorero na kasalukuyang nasa Amerika.

“Ang aming kapatid na si Mahal ay pumanaw na. Wala pang schedule sa kanyang burol due to COVID restriction,” saad ni Irene sa Facebook post.

Si Mahal ay 46 years old.

Marami ang nagpaabot ng pakikiramay mula sa mga taong minsang napasaya ng komedyante.

Ilang minuto lang ang lumipas mula nang makumpirma ang pagkamatay ng komedyante ay agad na nag-trending na ang #RIPMahal at #RestInPeaceMahal sa Twitter.

Ilan lang sina Rosanna Roces at Janice de Belen sa mga artistang nakiramay sa pagkamatay ni Mahal

Sa kanyang post, nagpasalamat ang aktres na si Rosanna Roces sa oportunidad na makatrabaho si Mahal.

“Salamat sa pagkakataong makasama at makatrabaho ka. Uwi ka na kay Lord, Mahal,” sabi ni Rosanna sa kanyang post.

Ang akres na si Janice de Belen na nakatrabaho din ni Mahal sa pelikulang “Anak ni Janice” noong 1991 ay  nagbigay-pugay din sa komedyante kung saan nag-upload siya ng poster ng kanilang pelikula. “RIP Mahal,” ang sabi niya sa caption ng kanyang post.

Nagbalik-tanaw naman ang komedyanteng si Brenda Mage sa pagiging personal assistant niya kay Mahal sa loob ng dalawang taon.

“Two years din kitang nakasama sa bahay at naging alalay mo sa mga out-of-town shows mo. Araw-araw, gabi-gabi, magkasama. Ang tapang mo para umabot ng ganyang edad sa kalagayan mo…. Ang dami-dami mong napasaya sa napaka-genuine mong pagkatao. Mahal ka ng lahat, mahal ka namin Mahal,” sabi pa nya.

Isa rin ang aktor na si Jerald Napoles sa nakiramay sa pamilya ng komedyante.

“Rest In Peace Noeme ‘Mahal’ Tesorero,” ayon sa twitter post ni Jerald.

Binawian ng buhay si Mahal sa isang ospital sa Batangas bandang alas kwatro ng hapon noong Martes, August 31, dahil sa “gastro illness” at COVID-19.

“Meron din siyang pre-existing condition, may high blood pressure. Sa edad niya saka sa dwarfism niya, so far, talagang nasa high risk na siya ng COVID,” kwento ni Irene sa interview ng entertainment portal na PEP.ph.

Nakatira sa Tanauan si Mahal dahil dinala siya rito ng kaibigan niyang si Mygz Molino.

Agad namang na-cremate ang labi ng komedyante alinsunod sa COVID-19 protocols.

Samantala, noong nakaraang August 5, 2021 ay pumanaw din ang kanilang ama na si Romy Tesorero, 74.

Kamakailan lang din nang maging laman ng balita si Mahal matapos na bisitahin ang kaibigan at dating ka-loveteam na si Mura sa Guinobatan, Albay.

Si Mahal ay naging bahagi ng programang “Magandang Tanghali Bayan” (MTB) ng ABS-CBN noong 2003.

(Toni Tambong)

The post PAKIKIRAMAY SA PAGPANAW NG KOMEDYANTENG SI MAHAL, BUMUHOS SA SOCIAL MEDIA appeared first on News Patrol.


Source: News Patrol PH

Post a Comment

0 Comments