ISKO KAY PANGULONG DUTERTE: MAGHAHARAP TAYO SA OKTUBRE

Habang papalapit ang October, ang buwan kung kailan magpa-file ng certificate of candidacy ang mga kakandidato para sa 2022 elections ay ramdam na ang kaliwat-kanang patutsada at batuhan ng akusasyon.

Si Manila Mayor Isko Moreno na wala pang anunsyo kung anong posisyo ang tatakbuhin sa 2022 ay nagbitiw na ng matatapang na salita kanina, September 8.

“Pag kayo’y binibigyan ng suggestion, iniisip ‘nyo, pulitika. ‘Di po ito pulitika. Bingi lang ho kayo,’ sabi ni Manila Mayor kay Pangulong Duterte, ayon sa report ng Rappler.

Gusto ni Moreno na tanggalin ni Duterte si Roque pagkatapos nitong sabihin  na namumulitika ang alkalde dahil sa panawagan nitong bumili ang gobyerno ng mas maraming gamot para sa  Covid-19.

“Nananawagan ako, Mr. President, tanggalin ‘nyo ‘yung mga taong walang malasakit sa kapwa niya. Ako talaga – magkuwentas klaras tayo. Anyway, kakaharapin ko naman kayo sa Oktubre eh,” ayon pa kay Moreno, tila nagpapahiwatig na tatakbo siya para sa isang national position.

Ayon pa kay Moreno,  mas inaasikaso pa ni Duterte ang pulitika kesa solusyunan ang life-or-death concerns ng mga mamamayan sa ngayon.

Sinabi pa ni Isko na matagal na siyang  umiiwas na magkomento sa ibang opisyal pero nasagad na umano ang kanyang pasensya.

Inakusahan niya ang  Duterte government na “living in Wonderland” at walang ideya ng realidad.

“Ang lalaki na ng tiyan ‘nyo, ‘di pa kayo nagkakanda-ugaga. Kailan kayo mabubusog sa kapangyarihan? Kailan kayo magigising sa katotohanan?” sabi pa ni Moreno.

Nagkomento rin si Moreno tungkol sa isyu ng  Pharmally Pharmaceuticals Corporation na nakakuha ng bilyong-pisong kontrata mula sa gobyerno pati na rin ang pagbawi ng gobyerno sa dapat sana’y mas maluwag na quarantine classification at ang pagsasagawa ng  granular lockdown system.

“Kung makapag-Pharmally kayo para kayong family…. Negosyante, kabibili pa lang ng stock niya, isasara. Ano ngayon, pulitika ba ‘yon?” pagtatapos pa ni Moreno.

The post ISKO KAY PANGULONG DUTERTE: MAGHAHARAP TAYO SA OKTUBRE appeared first on News Patrol.


Source: News Patrol PH

Post a Comment

0 Comments