Mahigit sa limang libo ang ibinaba ng bilang ng mga nagkasakit ng Covid-19 ngayong araw.
Ayon sa Department of Health, mayroong 12,751 na naitalang kaso ng Covid-19 ngayon kaya umakyat na sa 2,134,005 ang kabuuang kaso ngayon sa bansa.
Mayroon namang naitalang 20,151 na gumaling at 174 na pumanaw.
Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 7.1% (151,135) ang aktibong kaso, 91.3% (1,948,198) na ang gumaling, at 1.62% (34,672) ang namatay.
Ayon pa sa DOH , ang mababang bilang ng kaso ngayon ay dahilan sa “technical issues” na na-encountered sa pagkuha ng mga updated data mula sa COVIDKaya kahapon, September 7.
Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong September 6, 2021 habang mayroong 5 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).
Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 5 laboratoryong ito ay humigit kumulang 2.2% sa lahat ng samples na nai-test at 2.7% sa lahat ng positibong mga indibidwal.
Ayon pa sa DOH, posible pang tumaas ang mga kaso ng Covid-19 sa mga susunod na araw.
Ang pagsunod sa minimum public health standards, mas pinaigting na pagsasagawa ng PDITR strategies at pagbabakuna ay ang nananatiling pinakamabisang depensa sa COVID-19.
Mahalaga rin na mag-isolate at makipag-ugnayan sa BHERTs kung may sintomas ng COVID-19.
Ang maagang konsultasyon at pagpapa-test ay makatutulong upang maputol ang hawaan sa mga bahay, komunidad at sa mga lugar na pinagtatrabahuhan.
Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang pampublikong site ng DOH: www.doh.gov.ph/covid19tracker.

The post 12,751 KASO NG COVID-19, NAITALA NGAYONG ARAW, SEPT. 8 appeared first on News Patrol.
Source: News Patrol PH
0 Comments