(File photo)
Inamin ng isang testigo na dating empleyado ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na inutusan sila ng isang opisyal ng kumpanya na i-repack ang substandard face shields para sa Department of Health (DOH).
Sa isinasagawang Senate Blue Ribbon Committee hearing, ipinakita ni Senador Risa Hontiveros ang video ng isang warehouse staff ng Pharmally.
Makikita sa video na pinapalitan ang stickers na “expired” medical-grade face shields na 2020 sa kasalukuyang taon.
Ayon pa sa testigo, nire-repack nila ang naninilaw, basa, luma at maruming face shields.
Sinabi rin ng testigo na ang mga nasabing produkto na binili ng DOH ay ipamamahagi sa health workers.
“Ang pinapagawa nila sa amin sa face shield is parang sobrang substandard po ng face shield na ginagawa namin, kahit yupi-yupi na ‘yung face shield, boxes, may mga madumi, pinapa-repack pa rin po sa amin nila ma’am iyun,” pahayag ng testigo.
“Wala po silang pinapatapon na face shield although substandard po siya, marumi, naninilaw, kahit nabasa,” dagdag na pahayag ng testigo.
Kinumpirma naman ni Krizle Grace Mago, authorized representative ng Pharmally sa proyekto ng gobyerno na pinapalitan nila ang certification stickers ng face shields.
Ayon pa kay Mago, ito ay utos ng management officers ng kumpanya particular na si Mohit Dargani.
Si Dargani ay executive ng Pharmally.
“With regards to the changing of the stickers of the items, my response is this was a supply concern. I raised this concern to the management and that was the solution for us,” saad pa ni Mago.
Itinanggi naman ni Mohit Dargani na siya ang nag-utos sa pagpapalit ng mga sticker.
“The instructions did not come from me. I am speaking the truth that no instructions came from me,” paliwanag ni Dargani.
Pahayag pa ni Mago na bilang empleyado siya ay sumusunod sa instructions na mula sa management.
Ang Pharmally ay sumasailalim sa pagdinig sa Senado sa sinasabing pagbebenta ng overpriced medical goods sa gobyerno nang magsimula ang COVID-19 pandemic noong isang taon.
Kinukwestiyon ng mga Senador ang gobyerno kung bakit bumili ng overpriced anti-virus masks sa halagang P27.00 kada piraso at face shileds na P122.00 naman kada piraso.
The post DATING EMPLEYADO NG PHARMALLY, ISINIWALAT NA INUTUSAN SILANG I-REPACK ANG SUBSTANDARD FACE SHIELDS appeared first on News Patrol.
Source: News Patrol PH
0 Comments