Pilot vaccination sa mga edad 12-17, gagawin sa mga ospital para iwas-“Dengvaxia syndrome”

Gagawin ang pilot vaccination para sa mga  12-17 years old sa limang ospital sa Metro Manila dahil na rin sa naging isyu dati sa Dengvaxia vaccine.

Ito ang inanunsyo  ni National Task Force (NTF) against COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. kamakalawa.

“Gusto namin hospital based para sigurado tayo. Alam natin ang mga tao natin and even our medical practitioners, meron tayong takot ng Dengvaxia syndrome,” ayon pa kay Secretary Galvez.

Maaalalang mayroong 800,000 na mga batang estudyante ang nakibahagi sa Dengvaxia vaccination program noong 2016.

Sa bandang huli, inanunsyo ng kumpanyang Sanofi Pasteur na ang nasabing bakuna ay mas delikado sa mga taong hindi pa nai-infect ng virus, kaya agad na ipinatigil ng Department of Health ang nationwide dengue immunization program.

Naging malaking usapin na rin ang dengvaxia dahil sa ilang bata na rin umano ang namatay dahil dito at hanggang ngayon ay may mga kaso pang nakabinbin sa korte.

Samantala, sinabi  ng Department of Health na sisimulan nila ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga bata na may comorbity o kapamilya ng isang health worker.

Kabilang sa mga tinukoy na ospital na kasama sa pilot vaccination ay ang Philippine Heart Center, National Children’s Hospital, Philippine General Hospital at dalawang iba pa na gumagamot sa mga bata na may comorbidities.

“It will be in October and it will start in NCR. This program will be approved by the IATF (Inter-Agency Task Force)– the concept–at tsaka para makita rin ng all experts group,” pahayag ni Galvez kasabay ng pagsalubong niya sa mga dumating na Pfizer vaccine sa NAIA.

Ang mga batang nasa edad 15 hanggang 17 muna ang target na mabakunahan para sa pilot vaccination.

“Kung hanggang 15 to 17 ba tayo magsisimula or maybe gawin na nating 12 to 17 i-di-decide pa ‘yan, we will decide on that but definitely ‘yong parang ginawa natin noong una,” sabi pa ni Galvez.

Mahigpit umano nilang susubaybayan ito sa limang referral hospital at titingnan kung may maitatalang adverse effect sa mga bata.

Sa oras na magsimula na, ilalagay sa kategoryang “additional A3” ang mga batang ito at ikukunsidera naman sa A1 priority group ang dependents ng health care workers.

 

(Toni Tambong)

The post Pilot vaccination sa mga edad 12-17, gagawin sa mga ospital para iwas-“Dengvaxia syndrome” appeared first on News Patrol.


Source: News Patrol PH

Post a Comment

0 Comments