Isa pang maliit na kumpanya nakakuha ng P7.6-B pandemic supplies deal sa gobyerno ayon kay Sen. Pangilinan

Ibinunyag ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan kamakalawa na may isa pang panibagong undercapitalized firm o pipitsuging kompanya ang nakakuha ng mahigit P7.6 bilyong halaga ng kontrata mula sa gobyerno.

Ito ay kaugnay pa rin ng pagsusuplay ng medical supplies  sa national government para sa anti-COVID-19 response ng gobyerno.

Isiniwalat ni Pangilinan ang tungkol dito sa ginawang ika-10 hybrid hearing ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ang hearing ay kaugnay pa rin sa umano’y overpricing ng medical supplies na binili ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Tinukoy ni Pangilinan na ang kompanyang ‘’Element Trade Limited’’ na nabuo noong 2020 lang at may puhunan lamang na 10,000 Hong Kong dollars.

Ito ay nakakuha ng P7.6 bilyong government contract para sa pagbili ng medical supplies.

Matatandaang naging mainit ang mga naging pagdinig ng senado tungkol sa pagbibigay ng kontrata ng PS-DBM sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Ang Pharmally Pharmaceutical Corporation kasi ay isa ring maliit na kumpanyang nabuo noong 2019 lamang.

Ayon sa  mga report, ito ay may mahigit P625,000 lamang na capital.

Pero nakuha nito ang bilyun-bilyong kontrata sa medical supplies gaya ng PPE, facemask at faceshield  mula sa gobyerno dahil na rin  umano sa koneksyon o pagpadrino ni Michael Yang, ang dating economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Michael Yang ang sinasabing nagpahiram ng dagdag na puhunan sa Pharmally para makabili ng mga suplay para gobyerno.

Umabot na rin sa puntong pinasaringan ni Senator Richard Gordon si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagbibigay proteksiyon kay Michael Yang.

Pinabulaanan naman ni Linccon Ong, direktor ng Pharmally na si Yang ang namuhunan upang makuha ng kompanya ang naturang kontrata.

Nagbitiw naman sa puwesto si  Lloyd Christopher Lao bilang hepe ng  PS-DBM chief sa kalagitnaan ng 2021. Tulad ni President Duterte at Yang, si Lao ay Davao isang resident.

Sa ngayon ay nasa kostudiya ng senado si Linconn Ong dahil sa contempt bunga ng umano’y hindi niya pagsasabi ng totoo sa imebestigasyon ng senado.

(Toni Tambong)

The post Isa pang maliit na kumpanya nakakuha ng P7.6-B pandemic supplies deal sa gobyerno ayon kay Sen. Pangilinan appeared first on News Patrol.


Source: News Patrol PH

Post a Comment

0 Comments