319 NA BAGONG KASO NG DELTA VARIANT, TINUKOY NG DOH

Kinumpirma ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na may 319 bagong kaso pa ng Delta variant ang natukoy sa  pinakahuling genome sequencing na ginawa ng Philippine Genome Center noong September 18.

Ayon pa kay Vergeire, ang pinakamaraming naitalang kaso ng Delta variant ay sa Region 2 na umabot sa 40.

Iniulat din ni Vergerie na mayroong 3,027 na kabuuang kaso ng Delta variant sa bansa o 24.16%  mula sa mga sample na nasuri. ng PGC.

Nalampasan na ng mga bilang ng kaso ng Delta variant ang mga dating kaso ng Beta and Alpha na unang naging dahilan ng dating “surge” sa bansa.

Sa 374 samples na na-sequenced ngayong linggo, 85.3% ang natuklasan na Delta variant.

Sa CARAGA ay mayroong 31, habang 26 sa Region 4A at 24 kaso ng Delta variant naman ang nakita sa National Capital Region (NCR).

Samantala, nakapagtala rin ng 13 na bagong kaso ng Alpha variant at 9 na bagong kaso ng Beta variant ang ahensya.

Ang P.3 variant na natukoy sa Pilipinas ay natuklasan din sa limang bagong kaso sa ginawang genome sequencing ng PGC.

Kinumpirma ni Vergeire na lahat ng rehiyon sa bansa ay mayroon nang P.3 variant.

(Jocelyn Domenden)

The post 319 NA BAGONG KASO NG DELTA VARIANT, TINUKOY NG DOH appeared first on News Patrol.


Source: News Patrol PH

Post a Comment

0 Comments