Nagkilos protesta ang iba’t-ibang grupo sa tapat ng Rajah Sulayman Park sa Maynila, Biyernes, Sept. 24.
Ito ay para ipanawagan na itigil na ang ikinakasang pagdemolish ng mga tahungan at reclamation project sa Manila Bay.

Ayon sa grupo ng Pamalakaya at mga climate change activist, hindi nakakatulong ang nasabing proyekto dahil sa nawawalan ng kabuhayan ang mga mangingisda, partikular ang mga nagbebenta ng tahong at talaba sa Bacoor at Noveleta, Cavite kung saan nakatakda ng gibaiin ang kanilang mga fish pen.
Nabatid na isinisisi ng pamahalaan sa mga nagtatahong at nagtatalaba ang pagkasira ng ilang bahagi ng Manila Bay, bagay na inalmahan ng grupo.
Una nang nagtungo sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga grupo ng mangingisda para kausapin si Sec. Roy Cimatu upang ipabatid ang kanilang pagtutol sa demolisyon ng mga tahungan at talabahan pero hanggang ngayon ay wala pa rin itong tugon.

Wala rin daw inilalatag na plano ang DENR para sa mga maaapektuhang mangingisda lalo na’t hirap ang ilan sa kanila bunsod ng COVID-19 pandemic.
Umaasa ang grupo na matutugunan ng pamahalaan ang nasabing isyu kung saan pagtuunan din sana nila ng pansin ang mga programa sa global warming at climate change.
(Story & photos: Mores Heramis)
The post PROTESTA NG MGA MANGINGISDA AT ENVIRONMENTALIST: ITIGIL ANG PAGSIRA SA MANILA BAY appeared first on News Patrol.
Source: News Patrol PH
0 Comments