PASTOR QUIBOLOY KAKASUHAN NI SENADOR PACQUIAO DAHIL SA FAKE NEWS

(Photo courtesy: Pastor Apollo C. Quiboloy FB)

Kakasuhan ni Senador Manny Pacquiao si Pastor Apollo Quiboloy, founder ng Kingdom of Jesus Christ church, dahil sa maling pagpapakalat ng impormasyon ng Pastor.

Nauna kasing kinuwestyon ni Quiboloy ang umanoy P3.5 bilyong overpriced na Sarangani Sports Complex na proyekto ni Pacquiao na hindi naman umano napakinabangan.

Ayon sa Senador ang ipinakita ni Quiboloy sa kaniyang social media post ay noon pang 1996 at hindi ang kaniyang ipinagawang proyekto na may halagang P300 hanggang P500 milyon.

“Ito si Quiboloy po gumagawa ng issue na di niya alam. Dapat di siya nakikialam sa gobyerno. Magpokus na lang po siya dun sa pag-evangelize sa kanyang mga disipulong naniniwala sa kanya,” pahayag ni Pacquiao.

“Ako mismo magfa-file ng case against him. Desidido na po ako kasi may gobyerno naman tayo at pinagkakatiwalaan natin na lahat ng kasalanan ay idaing natin sa gobyerno at mabigyan ako ng katarungan at parusahan sila,” dagdag pa ni Pacquiao.

Lumabas ang akusasyon ni Quiboloy matapos mainis si Pangulong Duterte Sa Senador nang sabihin niyang mayroon korapsyon sa gobyerno.

Si Quiboloy ay malapit na kaalyado ni Duterte.

Humingi naman ng tulong ang kampo ni Pacquiao sa Philippine National Police (PNP) na hanapin ang nasa likod ng maling pagpapakalat ng impormasyon sa konstruksyon ng Saranggani Sports Complex kung saan na-identify ang 27 fake news site.

Paliwanag naman ng lawyer ng Senador na si Atty. Pelagio Lawrence Cuison, ang P3.5 billion pondong fake news report ay para sa konstruksyon ng Philippine Sports Training Center sa Bataan.

Samantala, hinahamon naman ni Pastor Apollo Quiboloy si Pacquiao ng isang debate sa umano’y kwestionableng P3.5 billion project sa Saranggani.

“Hinahamon kita Senator Manny  Pacquiao sa isang marangal na debate, pili ka kung saan, dito sa istasyon ng SMNI o pili ka kung sino yung media outlet na gusto mong i-publish natin ito sa TV sa isuue ng P3.5 bilyon na ikaw ang author,” pahayag ni Quiboloy.

Inakusahan din ni Quiboloy si Pacquiao ng “judgemental” matapos takutin na kakasuhan dahil sa kaniyang alegasyon.

(Toni Tambong)

 

The post PASTOR QUIBOLOY KAKASUHAN NI SENADOR PACQUIAO DAHIL SA FAKE NEWS appeared first on News Patrol.


Source: News Patrol PH

Post a Comment

0 Comments