MGA MANGINGISDA AT MAGTATAHONG SA PARANAQUE, NAGPROTESTA LABAN SA DEMOLISYON AT REKLAMASYON SA MANILA BAY

Nagprotesta ang mga mangingisda at magtatahong sa Manila Bay sa Paranaque City laban sa napipintong reklamasyon at demolisyon pabor sa mga malalaking negosyante.

Ayon kay Gilbert Reyes, Pangulo ng Pangisda sa Paranaque, nagpanukala ang Manila Bay Inter-Agency Task Force na pinangungunahan ng Department of Environment and Natural Resources ng demolisyon sa kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda sa darating na September 7.

Iginiit ni Reyes na mariin nilang tinututulan ang naturang demolisyon para sa reklamasyon at pagpapatayo ng mga gusali sa Manila Bay na nasasakupan ng lungsod ng Paranaque dahil mawawalan sila ng kabuhayan.

Ayon pa kay Reyes, 178 na pamilya ng mga mangingisda sa ParaƱaque ang mawawalan ng kabuhayan at magugutom kapag itinuloy ang naturang demolisyon.

Sinabi pa ni Reyes, sa kabila ng demolisyon wala namang inaalok sa kanila ang gobyerno o ang DENR na paglilipatan  habang ang mga malalaking negosyante ay welcome na welcome na sakupin ang  karagatan.

Magugunita na unang ipinatupad ang demolisyon sa Manila Bay sa Cavite na winawasak ang kalikasan at komunidad na sakop nito.

Iginiit ni Reyes na hindi sila tutol sa proyektong Build, Build, Build ng pamahalaan subalit hindi nila nakikita na makikinabang ang mga mamamayan lalo na ang mga mangingisda bagkus ay dislokasyon sa kanilang kabuhayan.

Dagdag pa ni Reyes, handa naman sila na kumuha ng permit kung kinakailangan huwag lamang aniya silang gipitin ng gobyerno dahil iyon lamang ang kanilang kabuhayan.

(Dindo Bacolod)

 

(Photo Caption)

Ang mga mangingisda at magtatahong na nagsagawa ng kilos protesta laban sa demolisyon at reklamasyon sa Manila Bay sa Brgy. La Huerta sa lungsod ng ParaƱaque.

The post MGA MANGINGISDA AT MAGTATAHONG SA PARANAQUE, NAGPROTESTA LABAN SA DEMOLISYON AT REKLAMASYON SA MANILA BAY appeared first on News Patrol.


Source: News Patrol PH

Post a Comment

0 Comments