KAMPO NI PDP-LABAN CUSI NAGHAIN NG PETISYON SA COMELEC

(Photo courtesy: Department of Energy FB)

Kinumpirma ni Comelec Spokesperson James Jimenez na naghain ng petisyon ang kampo ng PDP-Laban sa pangunguna ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa tanggapan ng Commission on Election.

Sa nasabing petisyon, hinihiling sa Comelec  ng kampo ni Cusi na ideklara ang grupong pinamumunuan nina  Senador Manny Pacquiao at Koko Pimentel bilang mga iligal na opisyal o mga hindi pinahintulutang kinatawan ng Partido.

“The matter is now with the Comelec and we will let the established Law, Rules and regulations prevail,” pahayag ni PDP-Laban Secretary General Melvin Matibag.

Sa kampo ni Cusi bilang presidente, nanatiling chairman si Pangulong Rodrigo Duterte .

Nais din ng kampo ni Cusi na ang Sworn Information Update Statement o listahan ng mga opisyal na inihain ng kampo ni Pacquiao ay alisin sa talaan ng Comelec.

Hiniling din ng grupo ni Cusi sa Comelec ang temporary restraining order upang pigilan ang kampo ni Pacquiao na gumawa ng mga aksyon na lumalabag sa konstitusyon ng partido.

Parehong inaangkin ng magkabilang grupo na sila ang lehitimong PDP-Laban at nakatakdang magsagawa ng magkakahiwalay na kombensyon sa buwang ito upang magpasya sa kanilang mga kandidato para sa halalan sa 2022.

Nauna nang sinabi ng Comelec na ang magiging pasya ng Commission en Banc ay batay sa kung aling grupo ang sumunod sa batas at konstitusyon ng Partido.

(Jocelyn Domenden)

The post KAMPO NI PDP-LABAN CUSI NAGHAIN NG PETISYON SA COMELEC appeared first on News Patrol.


Source: News Patrol PH

Post a Comment

0 Comments