KADETE NG PNPA, PATAY MATAPOS SUNTUKIN NG UPPERCLASSMAN

(Photo Courtesy: Screengrab from Pagadian Movers Youtube)

Patay ang isang kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA)  dahil umano sa suntok ng kanyang upperclassman.

Kinumpirma ng PNPA ang pagkasawi ng isa sa kanilang kadete noong Huwebes, September 23.

Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Louie Gonzaga, PNPA Public Information Office (PIO) Chief ang namatay na kadete na si Cadet Third Class George Carl Magsayo ng PNPA Batch 2024 at tubong Pagadian City.

Sa ulat ng Silang Municipal Police, pinapunta umano ng suspek na si Cadet 2nd Class Steve Cesar Maingat si Magsayo sa kanyang kwarto bandang 5:40 pm noong Huwebes.

Limang beses umanong sinuntok ni Maingat sa tiyan si Magsayo na pagkatapos ay nawalan ng malay.

Sinugod sa ospital ang biktima na idineklarang dead on arrival bandang 6:43 pm.

Hindi naman nailahad ng pulisya ang dahilan ng pagsuntok ng suspek sa biktima.

Dagliang bumuo si PNPA director Major General Rhoderick Armamento ng grupo para imbestigahan ang nangyari.

“We are in direct communication with the family and right now po, rolling pa ‘yung (the) conduct of an in-depth investigation of the special investigation task group,” sabi ni Armamento.

Siniguro rin naman ni Gonzaga na lahat ay ginagawa nila para maipatupad ang “no hazing policy.”

“Napakalakas po ng ating implementation diyan. And that part of it is ‘yung strong inculcation natin amongst our cadets for the respect of human lives and human rights,” sabi pa ni Gonzaga.

Samantala, tiniyak naman ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang masusing imbestigasyon sa pagkamatay ni Magsayo.

“Hindi sa sakitan at sa bugbugan nahuhubog ang pagkatao ng isang kadete o kahit ninuman kung hindi sa magagandang aral, matalinong palitan ng ideya at tamang pagpapasunod ng kabutihang asal, ” sabi ni  Eleazar.

Ayon pa sa PNP Chief, ang suspek na si Maingat ay nasa kustodiya na ng Silang Municipal Police Station at haharap sa kaukulang kasong nakatakdang isampa laban sa kanya batay sa magiging resulta ng imbestigasyon.

(Toni Tambong)

 

The post KADETE NG PNPA, PATAY MATAPOS SUNTUKIN NG UPPERCLASSMAN appeared first on News Patrol.


Source: News Patrol PH

Post a Comment

0 Comments