(File Photo)
Isinusulong ni Senator Joel Villanueva ang pagbibigay ng hazard pay at allowance sa lahat empleyado ng ospital na araw-araw ay humaharap sa panganib na dala ng COVID-19 sa mga pribado at pampublikong pagamutan.
Layon ng Senate Bill No. 2371 o ang Benefits for Healthcare Workers Act, na mabigyan ng karagdagang kompensasyon ang mga manggagawa na hindi medical health workers, partikular na ang barangay health workers, admin staff, utility workers, social workers, dietary staff, security guard, drivers at iba pang empleyado ng ospital.
Nakasaad pa rin naman sa panukala ang pagdoble sa kasalukuyan nang tinatanggap na Special Risk Allowances at Active Hazard Duty Pay para naman sa health workers na aktwal na nakikipagsagupa laban sa virus.
“Iminumungkahi po natin ang pagpapalawak ng sakop ng panukala para maisama ang mga non-medical healthcare workers,” sabi pa ni Villanueva, ang chairman ng Senate labor committee.
“Exposed din po ang ating mga non-medical healthcare workers sa COVID-19 sa kanilang mga trabaho, kasi hindi mo naman malalaman kung sino ang may virus sa mga naka-interact nila. Airborne po yung virus and mas nakakahawa ang Delta variant,” dagdag pa ng senador.
Ipirinsinta pa ng senador ang datos ng DOH na nagpapakita na ang case fatality rate sa mga nurse ay 1% habang ang sa mga doktor ay nasa 0.3%.
Bagamat ang bilang ng nagkakasakit ng COVID-19 ay mas mababa, ang fatality case rate para sa non-medical HCWs tulad ng hospital employees ay 4.3%, 1.1% para sa mga admin staff at 0.7% naman para sa barangay health workers.
Dagdag pa ni Villanueva, ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa mga non-medical HCWs ay umabot sa 2,157 mula sa 24,895 na kabuuang bilang ng kaso sa lahat ng HCWs, o 8.7%.
Kailangan din umanong ayusin ng DOH ang mga datos nito dahil ayon dito, may 526,727 HCWs sa inisyal na bilang ng ahensya ang nangangailangan ng dagdag benepisyo at maaari pang tumaas.
“Pag-aralan po natin kung mas magiging effective kung idadaan sa DOLE ang pagbibigay ng mga benepisyo sa mga private healthcare workers. Let us not allow bureaucratic procedures to get in the way of our fight against COVID-19,” dagdag pa ng senador.
(Toni Tambong)
The post HAZARD PAY AT ALLOWANCE SA NON-HEALTHCARE WORKERS ISINUSULONG SA SENADO appeared first on News Patrol.
Source: News Patrol PH
0 Comments