(Photo courtesy: PNA)
Ituturing na parang bagyo na may storm signal ang gagawin ng pamahalaan upang tukuyin ang polisiyang ipatutupad sa granular lockdown sa National Capital Region.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos, ‘alert level’ ang itatawag nila at magkakaroon ng apat na ‘alert level’ status depende sa banta ng COVID-19 sa isang lugar.
Alert level 4 umano ang pinakamahigpit at Alert level 1 naman ang pinakamagaan.
“Yung Alert Level 2 and 3 ang importante… Yung Alert Level 2, hanggang 50 percent pwede sila (affected business establishments) magbukas, depende sa mayor. Yung Alert Level 3, hanggang 30 percent sila,” paliwanag ni Abalos.
“Ang ginawa po ng TWG (technical working group) gumawa sila ng parang mga alert level dahil tuwing may lockdown, tatlo ang apektadong sector. So ginawa po ito para ma-address itong sector na ito. Parang bagyo yan,” dagdag pa ni Abalos.
Nakaatas naman sa Department of Health kung anong alert level ang kanilang ibibigay sa isang lungsod o partikular na lugar.
Depende naman sa alkalde ang polisiyang gagawin nila sa granular lockdown.
Samantala, isasagawa ang pilot testing ng localized lockdown sa National Capital Region, sa Miyerkules, September 8, ayon sa Malakanyang.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na isusunod na ang panuntunan ukol sa pagpapatupad nito.
“Uulitin ko po, ito po’y pilot sa Metro Manila. Tama po kayo, baka dumating ang punto na mawawala ang mga community classifications pero ipa-pilot po natin ito,” dagdag pa ni Roque.
(Toni Tambong)
The post GRANULAR LOCKDOWN NA IKAKASA SA NCR, MAY ALERT LEVELS appeared first on News Patrol.
Source: News Patrol PH
0 Comments