Tinaggal ang travel ban sa mga bumibiyahe sa 10 bansa dahil nasa moderate risk level na umano ang classification ng mga bansang kabilang dito.
Ito ang paliwanag ng Department Of Health sa naging hakbang ng gobyerno na umani ng batikos mula sa ilang sektor.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, inalis ang travel ban, matapos makita na umayos ang lagay ng sitwasyon ng Covid-19 sa mga bansang ito.
“Nag-improve na ang kanilang sitwasyon base sa kanilang assessment internationally at ito ay napunta sa mga moderate risk level na mga countries kaya na-lift ang mga restrictions,” pahayag ni Vergeire sa isang media forum.
Matatandaang isa sa mga nadismaya sa lifting ng travel ban ay si bise presidente Leni Robredo.
“Sana ang policy ay data driven. Hindi ko alam bakit magtatanggal tayo ng restriction kung ang taas-taas ng kaso natin,” giit ni Robredo.
Paalala rin ni Robredo na lumala umano ang COVID-19 sa bansa matapos na hindi agad napatupad ang travel ban ng Pilipinas laban sa China noong simula ng pandemya.
Depensa naman ni Vergeire, nanatili ang safeguard at pagbabantay sa mga border control para maiwasan ang pagpasok ng COVID-19 infected travelers.
“Hindi namna natin kailangan mag-alala dahil may mga safeguards tayo. Hindi man natin i-restrict ang mga bansa, mayroon tayong strict border control kung saan lahat ng dumarating na travelers ay nire-require natin mag-quarantine,” dagdag pa ni Vergeire.
Ang travel restriction sa India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, at United Arab Emirates, Oman, Thailand, Malaysia, at Indonesia ay inalis na matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng COVID-19 task force.
Ayon kay Vergeire, in-adopt ng gobyerno ang classification ng Center for Disease Control sa moderate hanggang low risk kung saan nag-improve aniya ang assessment sa Malaysia, India at Indonesia na kabilang sa saklaw ng travel ban.
Ang mga bansang ito ay inilagay sa “Yellow list” dahil sa moderate risk ng COVID-19.
Dagdag pa ni Vergeire, ang mga travelers mula sa lugar na nasa “Yellow list,” anuman ang kanilang vaccination status, ay dapat sumailalim sa 14-day quarantine sa kanilang pagdating.
Sampung araw na pananatili sa quarantine facility at ang nalalabing apat na araw ay home quarantine.
Sasailim din sila sa RT-PCR testing sa ika-pitong araw mula ng kanilang pagdating sa bansa.
(Jocelyn Domenden)
The post PAGTANGGAL NG TRAVEL BAN SA 10 BANSA, DINIPENSAHAN NG DOH appeared first on News Patrol.
Source: News Patrol PH
0 Comments