Naitala ang pinakabagong record ng pinakamataas na bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa ngayong araw, September 6.
Ang panibagong record ay naitala isang araw bago ang pagtatapos ng Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ sa Metro Manila.
Base sa datos ng Department of Health, mayroong 22,415 na karagdagang kaso ng COVID-19, mas mataas pa kesa sa huiling pinakamataas na kaso noong August 30 na nasa 22,366.
Dahil dyan ay umakyat na sa 2,103,331 ang kabuuang kaso ng Covid-19 sa bansa.
Mayroon namang naitalang 20,109 na gumaling at 103 na pumanaw.
Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 7.6% (159,633) ang aktibong kaso, 90.8% (1,909,361) na ang gumaling, at 1.63% (34,337) ang namatay.
Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong September 4, 2021 habang mayroong 8 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).
Ayon pa sa DOH, asahan na ang pagtaas muli ng mga kaso ng COVID-19.
Ang pagsunod sa minimum public health standards, maiging pagsasagawa ng PDITR strategies at ang pagbabakuna ay nanatiling pinakamabisang depensa sa COVID-19.
Mahalaga rin na mag-isolate at makipag-ugnayan sa BHERTs kung tayo ay may sintomas ng COVID-19.
Ang maagang konsultasyon at pagpapa-test ay makatutulong upang maputol ang hawaan sa mga bahay, komunidad, at sa mga lugar na pinagtatrabahuhan.
Ang pinakamataas na tala ng kaso ay kasabay ng anunsyo ng Malakanyang ng pagpapaluwag sa mga quarantine restriction sa bansa.
Ang Metro Manila na dating nasa ikalawang pinakamahigpit na quarantine status. Pero ilalagay na sa ikalawang pinakamagaan na quarantine status, GCQ, sa September 8, Miyerkules.
Sinabi pa ng mga otoridad na isasailalim ang NCR sa pilot localized lockdowns, na pinaniniwalaang mas magiging epektibo laban sa Covid-19.
Kinumpirma rin ng DOH ngayong Lunes na ang Delta variant na sinasabing “highly transmissible” ay makikita na sa lahat ng 17 rehiyon sa bansa.
Ito ay matapos makapagtala ng mga kaso ng Delta variant sa Bangsamoro Autonomous Region sa Muslim Mindanao.
Kasunod ito ng detection ng Philippine Genome Center (PGC) sa karagdagan pang 279 na kaso ng Delta (B.1.617.2) variant sa bansa.
Dahil diyan ay mayroon nang kabuuang 2,068 Delta variant case sa bansa .
Mula sa 279 na karagdagang Delta variant case, 245 ay local cases, 21 ang Returning Overseas Filipinos (ROF), at 13 kaso ang biniberipika pa.
Sa 245 local cases, 17 ang may address sa Ilocos Region, habang 17 kaso ang naka-address sa Cagayan Valley, 24 sa Central Luzon, 35 sa CALABARZON, 9 sa MIMAROPA, 19 sa Bicol Region, 3 kaso sa Western Visayas, 5 kaso sa Central Visayas, 14 sa Eastern Visayas, isang kaso sa Zamboanga Peninsula, 22 sa Northern Mindanao, 10 sa Davao Region, 5 kaso sa Bangsamoro Autonomous Region sa Muslim Mindanao, 13 sa Cordillera Administrative Region, at 51 kaso sa National Capital Region.
Sa ibang variant naman ay mayroon ding nadagdag na 29 Alpha (B.1.1.7) variant cases, 28 Beta (B.1.351) variant cases, at 13 P.3 ang na-detect sa huling batch ng whole genome sequencing mula sa kabuuang 367 samples na isinumite ng 60 laboratories, collecting institutions, at ibat-ibang different Regional Epidemiology and Surveillance Units (RESU) .
Ang kabuuan ngayon ng kaso ng Alpha variant sa bansa ay 2,424.
Nasa kabuuang 2,697 naman ang Beta variant. (Jocelyn Domenden)
Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang pampublikong site ng DOH: www.doh.gov.ph/covid19tracker.

The post 22,415 COVID-19 POSITIBO NGAYONG ARAW, PINAKAMARAMI MULA MAG-UMPISA ANG PANDEMYA appeared first on News Patrol.
Source: News Patrol PH
0 Comments