DOH, HINDI UMANO BUMIBILI NG TEST KIT NA WALA NA SA SHELF LIFE

(File Photo)

Iginiit ng Department of Health o DOH na hindi ito bumibili ng mga test kit na wala na sa shelf life.

Sa halip, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na tinitiyak nila na ang mga binibiling test kits ay nasa “acceptable shelf life” para sa specific commodity.

Sinabi ito ni Vergeire sa gitna ng umano’y COVID-19 test kits na nag-expire sa panahon ng pandemya.

Ayon pa kay Vergeire, ang shelf life ng test kits ay hindi tulad ng shelf life ng mga gamot.

Ang gamot aniya ay may karaniwang itinatagal na 12 hanggang 24 na buwan, pero ang COVID-19 test kits ay may maikling shelf life na nasa 6 na buwan.

Ayon pa sa opisyal, ang naturang test kits na nabili ng DOH at nahaharap sa kontrobersya ay ang VGI test kits na ginagamit ng maraming laboratoryo.

Giit niya, may mga klase ng test kits na appropriate o para lamang sa partikular na equipment.

Sa VGI test kits, applicable o pwede ito sa automated at manual extraction kits.

Pero sa unang bahagi ng COVID-19 testing ng gobyerno, ginamit muna ang manual at kinalauna’y automated na nagbunsod ng hindi na paggamit sa ilang mga test kit.

Paalala rin ni Vergeire, noong unang bahagi ng pandemya ay may shortage sa test kits kaya kung ano ang mabibili ng gobyerno ay kinukuha na upang magawa ang tamang numero ng mga test.

Kaugnay nito, sinabi ni Vergeire na kumikilos na ang Supply Chain and Management Team ng DOH na mayroong COVID-19 supply management tracking system kung saan digital na ang pagtutok sa inventories ng COVID-19 supplies, para mabatid din kung kailan matatapos ang shelf life at pagpapatupad ng “recall and replace mechanism.”

Matatandaang sa mga naunang pagdinig sa Senado ay inamin ng Department of Health (DOH) na mahigit 7,000 COVID-19 RT-PCR test kits na binili ng gobyerno ang nasayang lang noong nakaraang taon matapos na ‘mapanis’.

“There were expired testing kits. I confirm,” ayon kay Health Assistant Secretary Nestor Santiago.

Ito ang tugon kamakailan ni Santiago sa tanong ni Senator Kiko Pangilinan ukol sa pandemic response ng gobyerno.

Sinabi rin ni ni Santiago na hindi siya sigurado kung ang nasabing test kits ay mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

“Because it is a PS-DBM (Procurement Service-Department of Budget and Management) order,” saad pa ni Santiago

Ayon sa Senador, ang naunang delivery ng Pharmally na mga test kit ay mayroon lamang anim na buwang life span bago mapanis.

Aminado naman si Senador Kiko Pangilinan na naiintindihan niya ang kakulangan ng suplay sa panahong iyon, pero ang punto umano niya ay dapat nakuha ng gobyerno ang test kits sa mas mababang halaga.

(Jocelyn Domenden)

The post DOH, HINDI UMANO BUMIBILI NG TEST KIT NA WALA NA SA SHELF LIFE appeared first on News Patrol.


Source: News Patrol PH

Post a Comment

0 Comments