(Photo Courtesy: RTVM THRU PNA)
Iginiit ng Department of Health (DOH) mas mura pa rin at naaayon sa pamantayan ng World Health Organization (WHO) ang biniling mga personal protective equipment o PPE set mula sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Ayon pa sa DOH, kasama sa PPE sets ang siyam (9) na components gaya ng coverall suits, gloves, N95 mask, head cover, shoe cover, surgical mask, surgical gown, apron at face shield.
Sinabi rin ng ahensya na nabili sa mas mababang halaga ang mga PPE set kesa sa mga pre-Covid-19 na presyo sa kabila ng mataas na demand rito.
Nakuha ng DOH ang mga PPE mula sa PS-DBM sa halagang mula P1,700 hanggang P2,000.
Mas mura din ito kaysa sa inilaan na badyet ng DOH na P2,000 bawat set tulad ng nakapaloob sa Purchase Request (PR) sa PS-DBM.
Binigyang diin pa ng DOH na bilang isang pangkalahatang patakaran sa procurement, hindi pinapayagan ang pagtukoy sa anumang brand.
Ipinaliwanag pa ng kagawaran na ang pagkuha ng mga PPE ay batay sa pamantayan ng WHO.
Bilang karagdagan, ang mga set ng PPE na idini-deliver ay sinuri, binirepika at napatunayang maayos at naaayon sa technical specifications set.
Hindi rin nakatanggap ng anumang reklamo ang DOH mula sa healthcare workers sa kalidad ng PPE sets na nabili.
Sinabi pa ng ahensya na agad na nakapagbigay ng malaking bilang ng PPE sets sa mga healthcare workers sa simula pa lamang ng pandemya.
Dagdag pa ng DOH na mananatili itong accountable at transparent sa publiko hinggil sa paggamit ng pondo ng gobyerno.
Matatandaang na-flag ng Commission on Audit (COA) ang DOH dahil sa “deficiency” sa paggamit ng pondo nito.
Sa imbestigasyon ng kongreso at senado, sinabi ng DOH na bahagi ng pondo ay ginamit sa pagbili ng mga Covid-19 supplies gaya ng PPE, facemask at face shields na umano’y overpriced.
(Jocelyn Domenden)
The post DOH, DINEPENSAHAN ANG PAGBILI NG PPE’S; IGINIIT NA MAS MURA AT AYON ITO SA PAMANTAYAN NG WHO appeared first on News Patrol.
Source: News Patrol PH
0 Comments