Ipinaaaresto na ng Senado si Michael Yang, ang dating Presidential economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos siyang i-contempt ng Senate Blue Ribbon Committee.
Sa hearing ngayong araw, September 7, inaprubahan ni Senator Richard Gordon ang mosyon para i-contempt si Yang.
Dalawang beses na kasing pinadalhan ng subpoena si Yang pero hindi ito sumipot sa senado.
“So the motion to cite in contempt…it has already been approved. There were no objections and as directed…The process should start to make sure that a warrant of arrest is issued and that the [Office of the Sergeant-At-Arms] be asked to formally serve it to all law enforcement authorities and they be made aware that there is such a warrant of arrest issued by the Senate of the Republic of the Philippines, part of the co-equal branch of the government,” sabi pa ni Gordon.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Senate Blue ribbon committee ang pagbili ng umano’y “overpriced” na personal protective equipment (PPE), face masks at face shields ng Department of Budget and Management-Procurement Service (DBM-PS) para sa Department of Health noong 2020.
Isa sa supplier ay ang Pharmally Pharmaceutical Corp. na nakakuha ng kontrata mula sa gobyerno na nagkakahalaga ng P8.6 billion noong 2020.
Ito ay sa kabila nang ang nasabing kumpanya ay ilang buwan pa lamang at mayroong P625,000 na kapital.
Dahil dyan, ayon naman sa report ng Rappler, hindi kwalipikado ang Pharmally Pharmaceutical para makakuha ng bilyong-bilyong kontrata mula sa gobyerno.
Pero dahil sa sinasabing padrino nitong si Michael Yang, kaibigan at dating adviser ni Pangulong Duterte, naibigay sa kumpanya ang bilyong kontrata para sa pagbili ng nasabing Covid-19 supplies.
Nagsanga-sanga na ang mga imbestigasyon at dagdag na ebidensiya simula nang ilathala ng Commission on Audit (COA) kamakailan ang mga ulat nito tungkol sa mga maling paggasta at mga dapat transaksiyong kailangang ipaliwanag kaugnay ng pondo ng pamahalaan para sa pandemya noong 2020.
Sentro ng kontrobersiya ngayon at ng patuloy na pandinig sa Senado at Kamara ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Pinaboran umano nito ang isang kompanyang walang track record at pinagkatiwalaan ng bilyon-bilyong halaga ng kontrata para sa personal protective equipment.
Bukod kay Yang, magpa-file rin ang Senate Blue Ribbon Committee ng contempt sa mga opisyal ng Pharmally dahil sa hindi pag-attend ng hearing sa kabila ng subpoena na ipinadala sa mga sumusunod na opisyal:
- Mr. Mohit Dargani
- Ms. Twinkle Dargani
- Mr. Justine Garado
- Mr. Linconn Ong
- Ms. Krizle Grace Mago
The post DATING ECONOMIC ADVISER NI PANG. DUTERTE, IPINAARESTO NG SENADO DAHIL SA HINDI PAGSIPOT SA SENATE HEARING appeared first on News Patrol.
Source: News Patrol PH
0 Comments