0.0017% LAMANG ANG TINAMAAN NG COVID-19 SA MGA BAKUNADO

Umabot lamang sa 0.0017% mula sa 13.8 milyon na fully vaccinated ang tinamaan ng COVID-19 ayon sa Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) base sa kanilang datos.

Ang mga indibidwal na tinatamaan ng COVID-19 na mahigit sa 14 araw matapos ang kanilang  second dose ay 242 lamang o 0.0017% mula sa 13.8 milyong indibidwal na nabakunahan kontra COVID-19 .

“Out of 13.8 million na fully vaccinated, sobrang konti lang ang nakakuha ng COVID-19. Saan ka pa tataya? Kung wala tayong bakuna laban sa COVID-19, mas marami pa ang puwedeng makakuha ng malalang sakit,” pahayag ni  Director General Eric Domingo.

Bukod dito, mula sa 33.3 million jabs, 0.18% ang suspected adverse reactions.

Sinabi ng DOH at FDA na ang benepisyo ng pagpapabakuna ay nagpapagaan sa panganib kapag nahawaan ng COVID-19.

“Magpabakuna po tayo kapag tayo ay eligible na upang maprotektahan natin ang ating sarili at pamilya laban sa COVID-19. Itong datos na nakalap ng FDA ay nagpapakita na safe at effective po ang ating mga bakunang may Emergency Use Authorization (EUA). Ngunit huwag nating kalilimutan na patuloy pa rin isagawa ang ating minimum public health standards kahit na tayo ay nabakunahan na,” sinabi naman ni  Health Secretary Francisco Duque III.

Hinihikayat din ng DOH at FDA ang mga indibidwal na iulat agad kapag nakaranas ng adverse reactions sa FDA website o sa kanilang City Health Office (CHO).

(Jocelyn Domenden)

 

 

The post 0.0017% LAMANG ANG TINAMAAN NG COVID-19 SA MGA BAKUNADO appeared first on News Patrol.


Source: News Patrol PH

Post a Comment

0 Comments