Nagpositibo ang 122 na bata at mga kawani ng Gentlehands Orphanage sa Quezon city.
Kaya nananawagan ngayon nang mahigpit na pagpapatupad ng minimum public health standards sa mga lugar ng trabaho at establisimyento si Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Nasa 99 na menor de edad at 23 iba pa ang nagpositibo sa sakit sa Gentlehands Orphanage sa Barangay Bagumbuhay, Quezon City.
Lumalabas na isang asymptomatic adult ang bumisita sa bahay ampunan nang hindi nalalamang dala-dala niya ang COVID-19, ayon kay QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) chief Dr. Rolando Cruz.
“Kailangang mapanatili ng mga ganitong closed long-term care facilities ang mahigpit na protocols dahil kahit isang kaso lang ang makapasok sa kanila ay madaling mahahawa ang lahat,” ayon pa kay Cruz nitong Huwebes, September 9.
Sa kabila ng pahayag ng CESU, naninindigan ang pasilidad na lagpas isang taon na silang hindi tumatanggap ng bisita kung kaya’t nagulat sila sa resulta ng COVID-19 tests.
“After 540 days of strict quarantine during this pandemic, (with no visitors at all) we were quite shocked to find our home positive for COVID,” sabi ng Gentlehands kanina.
“We are thankful for God’s continued grace and wisdom as we navigate this time. Please keep the children and all our staff in your prayers.”
Agad namang tinugunan ng Office of the City Mayor ang pangangailangan ng ampunan at nagpadala ng paracetamol, vitamins, hygiene kits, face masks, alcohol at food packs.
Sinabi pa ni QC Mayor Joy Belmonte na kayang-kaya sanang maiwasan ang mga ganitong insidente na naglagay pa sa mga bata sa peligro ng nakamamatay na virus.
“Mariin nating ipinapaala na ang hindi pagsunod o hindi pagpapatupad ng minimum public health protocols ay paglabag sa RA 11332,” sabi pa ni Belmonte.
“Dapat maging mahigpit ang ating persons in authority sa pagpapatupad nito para maiwasan natin ang pagkalat ng virus.”
Inutusan na ng alkalde ang CESU na obserbahan nang maigi ang kalusugan ng lahat, lalo na ng mga bata at magsagawa ng active surveillance ng iba pang kahalintulad na lugar gaya ng mga nursing home.
Ang mga nursing home ay puno ng mga senior citizens na siyang mas delikado sa mas malulubhang sintomas at pagkamatay mula sa COVID-19.
Miyerkules lang nang umabot sa 2.13 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas.
Sa bilang na ‘yan, patay na ang 34,672.
Maaaring magpadala ng pagkain at iba’t iba pang supplies sa mga nasa bahay ampunan. Maaaring kontakin ang contact@gentlehands.org at nathan.wheeley@gentlehands.org para sa mga karagdagang impormasyon.
The post 122 BATA AT KAWANI NG BAHAY AMPUNAN SA QC, NAGPOSITIBO SA COVID-19 appeared first on News Patrol.
Source: News Patrol PH
0 Comments