Pilipinas, hindi na muna magdaragdag ng mga bansa sa Red List kontra Omicron variant

Hindi na muna daragdagan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang mga bansa na nasa ilalim ng Red list.

Ito ang naging desisyon ng IATF sa kabila ng banta ng Omicron variant, ayon sa isang opisyal ng Department of Health (DOH), ngayong Martes, December 7.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Lunes na nasa 42 bansa o hurisdiksyon na ang nakapagtatala ng Omicron variant.

“Napagkasunduan po sa IATF na hindi po muna natin dadagdagan dahil padagdag na ng padagdag ang mga bansa. Ang gagawin natin, i-intensify natin ang ginagawang control sa ating borders,” pahayag ni Vergeire sa isang interview sa radyo.

Samantala, kabilang ang Australia, Zambia, at Zimbabwe sa mga bansang hinihinalang may local transmission ng variant.

Kabilang ang Australia sa yellow list na bansa, Zambia sa green list at Zimbabwe naman sa red list.

Iginiit naman ni Vergeire na hindi maaaring magsara ang Pilipinas sa mga ibang bansa sa mundo.

“Hindi ho natin puwede isara ang Pilipinas from the rest of the world. So ‘yan po ang prinsipyong pinanghahawakan ng Inter-Agency Task Force,” sabi pa ni Vergeire.

“Kaya ang ating mga eksperto nagrekomenda na lang po ng mga protocols stricter than before, so that at least we can assure that we can still guard our borders,” dagdag pa niya.

Kamakailan ay binago ng IATF ang  testing at quarantine protocols nito para sa mga biyahero galing sa mga bansang hindi kasama sa red list.

Nilinaw din ni Vergeire na kaya lamang maghanda ng bansa upang hindi agad makapasok ang naturang variant, subalit hindi umano mapipigilan ng gobyerno ang pagpasok ng Omicron sa bansa.

(Toni Tambong)

The post Pilipinas, hindi na muna magdaragdag ng mga bansa sa Red List kontra Omicron variant appeared first on News Patrol.



Pilipinas, hindi na muna magdaragdag ng mga bansa sa Red List kontra Omicron variant
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments