Inaprubahan na ng Senado sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na naglalayong masawata ang paggawa ng mga krimen gamit ang mga cellphone at iba pang electronic device.
Base sa Senate Bill No. 2395, oobligahin ang mga seller at reseller ng sim card na kunin ang pangalan, address at birthday nang bibili ng sim card.
Kailangan ding magpakita ang buyer ng government-issued ID o anumang katibayan ng identity.
Kapag ito ay naisabatas ang mga aktibo o ginagamit na sim cards ay kailangang i-rehistro sa loob ng isang taon.
Ang hindi magrerehistro ng ginagamit na sim cards ay maaaring i-deactivate ng telecommunications company o telco.
Ang pangalan at impormasyon ukol sa buyer ay ibibigay sa public telecommunications entity o sa telco na siyang magpapasok nito sa isang centralized database kung saan bibigyan ng access ang National Telecommunications Commission (NTC) at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Magiging confidential ang impormasyon ukol sa sim card buyer maliban na lang kung hingin ng korte o sa anumang lehitimong imbestigasyon.
Sa panukala, ang sim card buyer na magbibigay ng pekeng pangalan o impormasyon ay makukulong ng anim hanggang 12 taon habang ang seller o reseller na ilegal na magsasapubliko ng impormasyon ay pagmumultahin ng hanggang 200,000 piso.
Bagaman tungkol ito sa sim cards, idinagdag sa panukala ang probisyong nagsasaad na dapat obligahin ng mga social media account providers ang tunay na pangalan at phone number ng gumagawa ng social media account.
Ayon kay Senator Grace Poe, chairman ng senate committee on public services at sponsor ng panukala, hangad ng bill na ito na mapigilan ang mga krimen na nagagawa gamit ang mga cellphone at iba pang electronic device gaya ng terorismo, text scam, unsolicited-indecent at obscene text messages, libel, bank fraud, trolling, anonymous online defamation, fake news at mga digital disinformation.
Maaari itong aprubahan ng senado sa third at final reading kung may session sa huwebes.
Kung sakali, maipadadala na ito sa bicameral conference committee dahil nakalusot na rin ang bersyon nito sa Kamara.
(Estrella Bueno)
The post Panukalang batas kontra “digital crimes”, pasado na sa ikalawang pagbasa sa Senado appeared first on News Patrol.
Panukalang batas kontra “digital crimes”, pasado na sa ikalawang pagbasa sa Senado
Source: Trending Filipino News
0 Comments