Kakapusan sa suplay ng itlog, posible dahil sa pagtaas ng presyo ng patuka

(Photo Courtesy: PNA photo by Gil Calinga)

Ang pagtaas ng presyo ng mga patuka sa manok ang itinuturong dahilan sa posibleng kakapusan ng suplay ng itlog, ayon kay United Broiler Raisers Association (UBRA) chairman Gregorio San Diego.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni UBRA chairman Gregorio San Diego na tumaas ang presyo ng mais na mula P14 ay naging P22 kada kilo.

“Sa patuka ng manok, by volume 50% niyan mais,” ayon sa pahayag ni San Diego sa panayam ng dzBB.

Gayundin, tumaas din ang halaga ng soybean na mula P27 ay pumalo sa P55 kada kilo, dagdag pa ni San Diego.

Dahil dito, nagbabala si San Diego na sa loob ng anim na buwan, posibleng magkaroon ng kakulangan sa suplay ng mga itlog kapag nagpatuloy ang pagtaas ng presyo ng mga patuka sa manok.

“Tama sinasabi ng presidente namin ni Ambal na baka in six months baka magkaroon ng shortage kasi kung wala kang kasigurahan na papakain mo sa manok mo, aba’y titigil ka,” dagdag pa ni San Diego kung saan tinutukoy si Philippine Egg Board Association (PEBA) president Irwin Ambal.

Ipinaliwanag din ni San Diego na kagaya ng mga tao, kailangan din umano ng mga manok ng tamang pagkain para sa kanilang nutrisyon.
“Kailangan tama ang sustansiya niyan kaya ang formulation, gamit amino acids, ‘yun ang maganda sa hayop,”paliwanag ni San Diego.

Sa kasalukuyan, nagkakahalaga ang medium-sized na itlog ng P4.50 hanggang P5.00 isa, ayon kay San Diego.

(Toni Tambong)

The post Kakapusan sa suplay ng itlog, posible dahil sa pagtaas ng presyo ng patuka appeared first on News Patrol.



Kakapusan sa suplay ng itlog, posible dahil sa pagtaas ng presyo ng patuka
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments