VP Leni Robredo, inilatag ang kanyang COVID-19 action plan

Inilatag ni Vice President at presidential aspirant Leni Robredo ang kanyang action plan upang makaahon ang bansa sa COVID-19.

Ang planong tinawag niyang “Kalayaan sa COVID-19 plan” ay ipinalabas sa 4-minute video sa kanyang social media accounts.

Iginiit ni Robredo na dapat walang bahid ng katiwalian sa COVID-19 response ng gobyerno.

“Marami nang nawawalan ng mahal sa buhay. Marami nang nabaon sa utang dahil sa gastos. Kaya bago ang lahat, public health muna. Ang dapat gawin: itigil ang korapsyon, itigil ang anomalya. Mahusay at matinong pinuno sa tuktok ng COVID response strategy,” giit niya.

Libreng tulong medikal

Para kay Robredo, kailangang ayusin ang healthcare system upang masigurong maipapaabot ang libreng tulong pangkalusugan sa lahat.

“Libre at accessible na healthcare. Libreng konsulta gamit ang teknolohiya. Bawat barangay may sapat na kagamitan at may sariling nurse… Ayusin ang PhilHealth. Mabilis na proseso para makuha agad ang claims,” ayon kay Robredo.

Mahalaga aniya ang reporma sa PhilHealth na nasasangkot sa alegasyon ng katiwalian at incompetence.

Dagdag ni Robredo, kailangan ding tulungan ang health workers sa bansa.

“Alaga sa mga nangangalaga. Sapat na sahod para sa frontliners, at sapat na suporta sa mga ospital para kung magkasakit ka, makakakuha ka ng atensyong medikal na walang inaalala,” paliwanag niya.

Pagkain at trabaho

Iginiit pa ni Robredo na kailangang sapat ang pagkain at hanapbuhay sa panahon ng pandemya.

“Protektado ang trabaho. Suportang pinansyal sa maliliit na negosyo para hindi kailangang mag-layoff. Unemployment insurance, para ang mawawalan ng trabaho, may tulong na makukuha sa gobyerno… Tiyakin na may pagkain ang bawat Pilipino,” dagdag niya.

(NP)

The post VP Leni Robredo, inilatag ang kanyang COVID-19 action plan appeared first on News Patrol.



VP Leni Robredo, inilatag ang kanyang COVID-19 action plan
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments