Sen. Bong Go, umatras na sa pagtakbo sa pagkapangulo

(In photo: Sen. Bong Go iniatras ang presidential candidacy sa San Juan. Photo courtesy: PTV)

Umatras na sa pagtakbo bilang pangulo sa 2022 elections si Senator Christopher “Bong” Go.

Inanunsyo ito ni Go matapos na dumalo kasama si Pangulong Rodrigo Duterte sa komemorasyon ng ika-isandaan at limampu’t-walong anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan City.

Ayon kay Go, malaking bagay ang pagtutol ng kanyang pamilya na tumakbo siya bilang presidente.

“I realized that my heart and mind are contradicting my own actions. Talagang nagre-resist po ang aking katawan, puso at isipan. Tao lang po ako na nasasaktan at napapagod din… That is why I am withdrawing from the race,” sabi ni Go.

Sinabi niyang mahigit isang buwan lang niyang napaghandaan ang kanyang naunang kandidatura sa pagkabise-presidente nang kailanganin niyang i-withraw ito upang tumakbo bilang pangulo.

Ayon kay Go, kinonsulta niya ang desisyon kay Pangulong Duterte at nirespeto naman aniya ang kanyang desisyon.

“Ayaw ko rin pong lalong maipit si Pangulong Duterte… Nananatili akong tapat sa kanya at nangako akong sasamahan ko po siya habambuhay,” ayon kay Go.

Humingi si Go ng pang-unawa sa supporters na nagpakapagod sa kanyang kandidatura.

Ayon sa senador, hintayin na lamang ng publiko king sinong kandidato ang pormal na susuportahan ng pangulo.

Hindi naman niya inihayag kung kailan siya pupunta sa Comelec para opisyal na ihain ang pagwi-withdraw ng kanyang kandidatura.

“Kung saan man po ako dadalhin ng aking tadhana, makakaasa po kayo na patuloy po akong magseserbisyo at patuloy po akong magmamalasakit sa aking kapwa Pilipino,” dagdag pa ni Go.

(NP)

The post Sen. Bong Go, umatras na sa pagtakbo sa pagkapangulo appeared first on News Patrol.



Sen. Bong Go, umatras na sa pagtakbo sa pagkapangulo
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments