DOH: Omicron variant, siguradong makapapasok din sa Pilipinas

Posible umanong makapasok din sa Pilipinas ang Omicron variant tulad ng naranasan sa Alpha, Beta at Delta variant, ayon sa Department of Health (DOH).

Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na dapat pagbutihin ang mga estratehiya partikular na ang Prevent, Detect, Isolate, Treat, Reintegrate (PDITR) laban dito bagamat hindi tiyak kung kailan ito posibleng makapasok sa Pilipinas.

“It is not a matter of if, it is a matter of when so talagang papasok ‘yan (Omicron) just as we experienced Alpha, Delta among the variants of concerns, ” pahayag ng kalihim.

Mahalaga pa rin aniya ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum health standards at paggamit ng face shields sa 3Cs areas, confined spaces, crowded places at close-contact settings.

Dapat din umanong pag-ibayuhin ang pagbabakuna kontra sa virus.

Para naman sa “worst case scenario,” sinabi ni Duque na dapat ihanda ang healthcare system at samantalahin  ang mababang bilang ng kaso sa ngayon upang maging handa oras na makapasok ang bagong variant.

“Let’s take advantage of low number of cases and prepare for healthcare system capacity for the worst case scenario,” dagdag pa ni Duque.

Idineklara na ng World Health Organization (WHO) na variant of concern ang Omicron variant.

Unang naitala ang kaso sa South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, Mozambique at Hong Kong.

Sa ngayon, kabilang sa mga bansa na may naitala na mga kaso na ng Omicron variant ang  Canada, Austria, Czech Republic, Hungary, The Netherlands, Switzerland, Belgium, Italy at Australia.

Maging sa Spain ay nakapasok na rin  ang variant at nakapagtala ng kauna-unahang kaso nito.

(Jocelyn Domenden)

The post DOH: Omicron variant, siguradong makapapasok din sa Pilipinas appeared first on News Patrol.



DOH: Omicron variant, siguradong makapapasok din sa Pilipinas
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments