NTF ELCAC budget, tinapyasan ng P24-B ng senado

(File photo: Senate Facebook)

Dismayado ang Senate Finance Committee  sa paggamit ng pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC).

Kaya naman, ayon kay committee chair Sen. Sonny Angara, tinapyasan nila ang hinihinging P30.46 bilyong budget ng ahensya para sa 2022.

Sa naturang budget request, P28 bilyon ang nakalaan sana para barangay development program.

Pero ayon kay Angara, wala pang natatanggap na report ang komite hinggil sa kung paano ginastos ang inilaang budget na P16.4 bilyon para ngayong 2021.

Dahil diyan, pinababawasan ng P24 bilyon ng komite ang hinihinging budget ng NTF ELCAC para sa susunod na taon.

Mula P28 bilyon, magiging P4 bilyon na lang ito.

Paliwanag naman ng Department of Budget and Management (DBM), naibaba na sa mga barangay ang mga pondo para sa taong ito pero maaari umanong hindi pa iyon lubos na nagagamit dahil naantala ang mga infrastructure project bunsod ng COVID-19 pandemic.

Ang tinapyas namang P20 bilyong pondo sa NTF ELCAC ay inilipat ng komite sa Department of Health at iba pang ahensyang tumutugon sa pandemiya.

(Estrella Bueno)

The post NTF ELCAC budget, tinapyasan ng P24-B ng senado appeared first on News Patrol.



NTF ELCAC budget, tinapyasan ng P24-B ng senado
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments