(Photo credit: BenarNews; Ang kinakalawang nang BRP Sierra Madre ng Pilipinas sa Ayungin Shoal)
Isang linggo bago ang insidente ng pagharang at pambobomba ng water cannon ng Chinese coast guard noong Martes, Nov. 16, sa mga resupply boats ng Pilipinas na papuntang Ayungin shoal, may hindi na pangkaraniwang bilang ng Chinese militia ships sa lugar, ayon kay National Secuirty Adviser Hermogenes Esperon.
“For almost one week we were puzzled, their presence was unusual in Ayungin,” ayon kay Esperon.
“Usually in the area, there would be two Chinese maritime militia only but for the last week there were 19,” dagdag pa niya.
Ganito rin umano ang naobserbahan ng mga security officials ng bansa sa Pag-asa island kung saan 45 Chinese militia boats ang paikot-ikot.
Patunay umano ito ng pagiging sobrang agresibo na ng China, ayon pa kay Esperon.
Mariing kinondena ng Pilipinas ang insendenteng noong Martes kung saan nga hinarang ng Chinese coast guard at binomba pa ng water cannon ang mga bangka na magdadala sana ng supply sa mga sundalong nakadestino sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.
Ito nga ay dahil sa ang Ayungin shoal ay bahagi ng Kalayaan Island Group at nasa loob pa ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon kay foreign affairs secretary Teddy Locsin Jr., ilegal ang ginawa ng China at wala itong “law enforcement rights” sa lugar.
“They must take heed and back off,” sabi ni Locsin.
Babala pa ni Locsin, ang ginawang iyon ng Chinese coast guard sa mga bangka ng Pilipinas ay maaaring makasira sa espesyal na relasyon ng dalawang bansa na pinagtrabahuhan umano nina pangulong Duterte at Xi Jinping.
Pinaalala rin ni Locsin sa China na ang mga public at civilian vessel ng Pilipinas ay saklaw ng Philippines-United States Mutual Defense Treaty.
Matatandaang kamakailan, sa pagtatapos ng 9th Bilateral Strategic Dialogue sa Washington, D.C., muling binigyang diin ng US ang suporta nito sa 2016 Arbitral Award sa Pilipinas kontra China hinggil sa usapin sa South China Sea.
Sinabi pa roon ng mga kinatawan ng U.S. na maaari nilang gamitin ang mga probisyon ng Mutual Defense Treaty sakaling magkaroon ng pag-atake sa AFP, public vessels o kaya’y maging mga sasakyang panghimpapawid ng Pilipinas sa South China Sea.
Ang BRP Sierra Madre, isang transport ship, ay inilagay sa Ayungin shoal noong 1999 para magsilbing outpost ng Philippine Navy sa lugar.
Dati nang gumagamit ng mga bangkang sibilyan ang AFP para sa paghahatid ng supply sa mga naka-istasyon sa BRP Sierra Madre upang mabawasan ang tensyon sa pinagtatalunang bahagi ng karagatan.
Napilitan nang huwag tumuloy ang mga bangkero dahil isa sa kanilang bangka ay nasira ng water cannon attack.
Mabuti na lang at walang nasugatan sa kanila.
Gayunman, sinabi ni Esperon na itutuloy pa rin nila ang resupply missions sa kabila ng patuloy na pangha-harass ng China.
Ganito rin ang mensahe ni Locsin sa China.
“We do not ask permission to do what we need to do in our territory,” pagdiriin ni Locsin.
(NP)
The post Nat’l Security Adviser Esperon: China, sobrang agresibo na; resupply missions hindi ititigil appeared first on News Patrol.
Nat’l Security Adviser Esperon: China, sobrang agresibo na; resupply missions hindi ititigil
Source: Trending Filipino News
0 Comments