Papayagan nang sumakay ang mga bata at matatanda sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Linggo.
Ito ay alinsunod na rin sa pagluluwag sa restriksyon sa Metro Manila, matapos na ilagay ang rehiyon sa Covid-19 Alert level 2 status simula noong November 5.
“There are no more age restrictions on interzonal and intrazonal travel under the rules of the Inter-Agency Task Force Against COVID-19,” ayon kay MMDA chairman Benhur Abalos.
“Ang sabi sa’kin ni (DOTr) Usec. Steve Pastor, nagkaroon lamang ng miscommunication sa IACT (Inter-Agency Council for Traffic), pero pwede raw ang mga matatanda at bata sa public transportation. Klaro po ito, public transports: pwede ang bata, pwede ang matanda,” sabi pa ni Abalos sa ABS-CBN TeleRadyo.
Ang passenger capacity para sa mga piling public utility vehicles (PUVs) at rail lines na nag-o-operate sa Metro Manila at mga karatig-probinsya ay itinaas na sa 70% simula pa noong November 4, ayon pa sa Department of Transportation (DOTr).
Pinayagan na rin ang mga bata na magpunta sa mga mall sa Metro Manila simula noong ilagay sa Alert Level 2 ang rehiyon noong Biyernes, November 5.
Ang mas mababang alert level status ay nagtatanggal sa limitasyon sa pagbisita sa mga establisimyento tulad ng malls base sa edad o vaccination status, sabi naman ng Department of Health (DOH).
(NP)
The post Mga bata at matatanda, papayagan nang sumakay sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila appeared first on News Patrol.
Mga bata at matatanda, papayagan nang sumakay sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila
Source: Trending Filipino News
0 Comments