Marikina LGU, nagbabala sa mga establisimiyento matapos dagsain ng tao ang Riverbanks

(Photo courtesy: DM Diorico FB)

Plano ng Marikina City government na patawan ng parusa ang mga establisyimento na hindi susunod sa itinakdang patakaran ng gobyerno para maiwasan ang siksikan ng mga tao sa gitna ng pandemya.

Ito ay matapos kumpirmahin ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na dumagsa ang mga tao sa Marikina Riverbanks kagabi, Linggo, Nov. 7, pagkaraang luwagan ng gobyerno ang coronavirus restrictions sa National Capital Region.

“Totoo po yun, nangyari po yun, yung pagdagsa ng mga tao. Siguro dahIl sa excitement nila. Yung Riverbanks po ay hindi lang mga taga-Marikina ang pumupunta dito, pati yung mga karatig ng mga bayan katulad ng Cainta, Antipolo, Quezon City at ilang taga-Pasig,” pahayag ni Teodoro sa panayam ng ABS-CBN TeleRadyo.

Ayon sa alkalde na nais niyang kausapin ngayon ang Riverbanks management para sabihan na maglalagay ng administrative at engineering control sa lugar para malimitahan ang pagdami ng tao sa pasyalan.

Sinabi rin ni Teodoro na tinitIngnan nila na maglabas ng ordinansa na magpapataw ng parusa sa mga establisiyimento na hindi sumusunod sa protocol ng Inter-Agencity Task Force (IATF) sa pinapayagan bilang ng kapasidad ng mga tao.

Sa ilalim ng Alert Level 2, pinapayagan sa 50 porsyento ang indoor areas habang 70% naman ang outdoor areas.

“Ang pinapakiusap at ipatutupad po natin ay, at the establishment level, dapat mapasunod at meron nga kaming iniisip na ordinansa na ilalabas po ngayong linggo na ipepenalize yung mga establishment na hindi makakasunod dito sa IATF regulation na ito,” paliwanag pa ng alkalde.

“Yung first violation iniisip naming, bilang pagbibigay sa mga establishment ay warning muna at kung maulit ang paglabag nito ay maaaring pagsuspindi nung kanilang lisensya para sa operation,” dagdag pa ni Teodoro.

Samantala, binabalak ng Metro Manila mayors na magkaroon ng unified standard protocols para sa pampublikong lugar dahil ang rehiyon ay isinailalim na sa Alert Level 2 COVID-19 quarantine classification.

(NP)

The post Marikina LGU, nagbabala sa mga establisimiyento matapos dagsain ng tao ang Riverbanks appeared first on News Patrol.



Marikina LGU, nagbabala sa mga establisimiyento matapos dagsain ng tao ang Riverbanks
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments