Mananatiling sarado sa publiko ang Manila Baywalk dolomite beach kahit tapos na ang Undas.
Ang pagsasara ay ginawa upang bigyang daan ang pagkumpleto sa rehabilitasyon at expansion works nito, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa press briefing sinabi ni DENR Undersecretary Jonas Leones na isasara ang dolomite beach para sa pagtatapos ng ibang gawain sa Manila Bay.
“Ang gusto ng ating Inter-Agency Task Force at ng ating kalihim ay para mag-enjoy ang ating kababayan ay tapusin na po natin lahat ng gawain,” ayon sa opisyal.
Dagdag nito, nakikipag-ugnayan na ang DENR sa Department of Public Works and Highways at sa project contractor upang masiguro na walang makapapasok para ‘di maaabala ang gawain sa dolomite beach.
Matatandaang mula noong October 29 hanggang November 3, isinara ang dolomite beach alinsunod na rin sa kautusan ng Inter-Agency Task Force para sa paggunita ng Undas.
Bukod sa paglilinis sa tubig ng Manila Bay, kukumpletuhin din ng DENR ang repair ng drainage system sa outfalls ng Padre Faura at Remedios Abad.
Magtatayo rin ang DENR ng dalawang solar powered comfort rooms, souvenir shops, at administrative office na titingin sa operasyon ng Manila Bay.
Kasama rin sa proyekto ang paglalagay ng light posts sa kahabaan ng baywalk.
Target na matapos ang pagkumpleto sa pagsasayaos sa Manila Bay ngayong taon o sa unang quarter ng susunod na taon.
(Jocelyn Domenden)
The post Dolomite beach, sarado sa publiko para sa patuloy na rehabilitasyon appeared first on News Patrol.
Dolomite beach, sarado sa publiko para sa patuloy na rehabilitasyon
Source: Trending Filipino News
0 Comments