CHR sa DOJ: Hustisya para sa mga biktima ng drug war

Labing-isa lang mula 466 indibidwal, o wala pang tatlong porsyento, na umano’y nanlaban sa anti-drug operations ng mga pulis ang nakaligtas.

Batay ito sa isinagawang analysis ng Commission on Human Rights (CHR) sa 579 na insidente ng pagpatay at karahasang iniuugnay sa anti-drug campaign ng administrasyong Duterte simula noong 2016 hanggang February 2020.

Sakop ng ulat ang mga kaso sa National Capital Region, Region III and Region IV-A, na nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng drug-related killings.

Welcome naman sa CHR ang impormasyong inilabas ng Department of Justice (DOJ) sa 52 kasong iniimbestigahan nito.

“We hope that government uses this opportunity to finally bring cases to courts. With thousands of cases left to be scrutinized, we urge the government to do more in investigating deaths being linked to the so-called drug war. There is a clamor for justice waiting to be answered,” saad ng CHR.

Samantala, ang 579 sample cases na sinuri ng CHR ay mula sa naitalang 870 biktima ng war on drugs kung saan 71 ang babae at 24 ang menor de edad.

Nasa 451 insidente ng pagpatay ay iniuugnay sa police operations, 104 ang sinasabing kagagawan ng hindi nakilalang suspek habang 24 ang walang sapat na impormasyon ukol sa nangyari.

Para naman sa investigation reports na nakuha ng CHR sa pulisya, nakita nila na 77 mula sa 90 ulat na may kumpletong resulta ng internal investigation ang naglalaman ng rekomendasyon na parangalan, bigyang pabuya o bigyang pagkilala ang mga operatibang sangkot sa mga nasabing operasyon.

“Some reports, while no mention of commendation, upheld legitimacy of operations and, in few reports, recommended that participating operatives be absolved from criminal or administrative liability,” ayon pa sa CHR.

Bukod dito, nakakita rin ang CHR ng “pattern of discrepancies” batay sa pahayag ng mga testigo.

Kaugnay nito, muling umapela ang CHR na mapasama sila sa review panel ng DOJ na sumusuri sa 5,655 anti-drug operations.

Nanawagan din ito sa Kongreso na isabatas ang panukalang tutukoy at magpaparusa sa mga sangkot sa extrajudicial killings base sa international human rights laws and standards.

(Toni Tambong)

The post CHR sa DOJ: Hustisya para sa mga biktima ng drug war appeared first on News Patrol.



CHR sa DOJ: Hustisya para sa mga biktima ng drug war
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments