Booster at 3rd dose sa senior citizens at immunocompromised, sisimulan na ngayong araw, Nov. 22

Sisimulan na ng Department of Health at National COVID-19 Vaccination Operations Center ngayong Lunes, November 22 ang roll out ng booster doses para sa senior citizens o A2 gayundin ang karagdagang doses o third dose naman sa indibidwal na may comorbidities at immunocompromised o A3.

Kabilang rito ang may immunodeficiency, people living with HIV, active cancer o malignancy, transplant patient at patients under immunosuppressive treatments.

Pinaliwanag naman ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire ang pagkakaiba ng booster shots at ikatlong dose.

Ayon kay Vergeire, ang booster ay mga indibidwal na nakatanggap na ng primary series ng bakuna.

” Ibig sabihin fully vaccinated ka na at nakareceive ka na ng dalawang dose o di kaya kung Janssen ang nakuha mo, nakareceive ka na ng isang dose pero may ebidensya na magpapakita na bumababa na ang  immunity ng tao na nakareceive ng bakuna na ‘yon kaya kailangan ng booster para ma-boost ang imune system mo,” pahayag ni Vergeire sa isang press briefing.

Ang karagdagang dose o 3rd dose naman aniya ay ibinibigay bilang bahagi ng primary series.

“Ang mga immunocompromised indivuduals for example cannot mount  that appropriate immune respond just to these two doses kaya kailangan ng isa pang dose  para makumpleto at maproteksyunan sila ng kanilang immune system,” dagdag pa ng opisyal.

Ang inirerekomendang schedule ng dose at kumbinasyon ng dose ay ang sumusunod.

Para sa Sinovac, AstraZeneca, Pfizer, Moderna at Gamaleya Sputnik kailangan mayroong anim na buwang interval o pagitan mula nang mabakunahan sa unang serye ng pagpapabakuna.

Maaari silang turukan ng kaparehong brand ng bakuna sa booster maliban sa Gamaleya Sputnik na hindi pa ipinatutupad para sa homologous booster.

Ang homologous booster ay ang pagturok ng parehong brand ng COVID-19 vaccine sa naunang  bakunang itinurok

Sa heterologous booster naman ay ang pagturok ng magkaibang brand ng COVID-19 vaccine sa naunang natanggap na primary series.

Kapag Sinovac ang unang naiturok maaaring makatanggap ng AstraZeneca, Pfizer at Moderna.

Kung AstraZeneca naman ay maaaring maturukan ng booster shots na Pfizer at Moderna.

Sa Pfizer, pwede ang AstraZeneca at Moderna gayundin sa mga nakatanggap ng Moderna sa primary series ay maaaring magpabooster ng AstraZeneca o Pfizer.

Para naman sa Gamaleya Sputnik pwede ang AstraZeneca, Pfizer at Moderna.

Ang Janssen na may tatlong buwan na interval ay hindi pa ipatutupad ang homologous booster ngunit maaaring mabakunahan ng AstraZeneca, Pfizer o Moderna para sa heterologous booster.

Inulit ng DOH at National COVID-19 Vaccination Operations Center na ang pagbibigay ng booster doses ay isinagawa sa phases approach at hindi pa ito available para sa general population.

(JocelynDomenden)

 

 

The post Booster at 3rd dose sa senior citizens at immunocompromised, sisimulan na ngayong araw, Nov. 22 appeared first on News Patrol.



Booster at 3rd dose sa senior citizens at immunocompromised, sisimulan na ngayong araw, Nov. 22
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments