VP Robredo, binigyang-diin na tutol siya sa vote buying

Ikinalulungkot ni vice president Leni Robredo ang pagkalat sa social media ng kanyang naging pahayag hinggil sa vote buying.

Ayon kay Robredo, ilang beses na ni-repost ang kanyang nasabi pero walang konteksto.

Matatandaang sa isang virtual forum kasama ang mga supporter niyang househelp, tinanong si Robredo tungkol sa vote buying tuwing kampanya.

Sagot ni Robredo, “…tanggapin niyo (ang pera) kasi galing sa inyo ‘yan. Pera ‘yan ng taumbayan. Pero iboto mo kung ano ang nasa konsiyensiya mo.”

Gayunman, nilinaw ni Robredo na hindi ibig sabihin nito na ayos lang sa kanya ang vote buying.

Sa isang press briefing ngayon sa Naga City, binigyang diin ni Robredo na ilegal ang ganitong kalakaran.

Sa katunayan, noong una siyang tumakbo sa kongreso noong 2013, naghain siya ng reklamo laban sa talamak na vote buying.

“In fact kahit dito sa atin, very rampant ang vote buying, ‘yong frustrating sa lahat dito kasi hindi maayos ‘yong pag-implement ng regulations against vote buying.  Naalala ko no’ng kumandidato ako no’ng 2013 elections, nag-file ako ng case sa prosecutor’s office, marami ‘yong mga ebidensya na nagkaroon ng vote buying, na nadismiss lang ‘yong kaso,” saad ni Robredo.

“In fact dahil hindi maayos ‘yong ‘pag police natin against vote buying, ‘yong mga volunteers natin, ‘yon na ‘yong gumagawa ng paraan ‘pag meron tayong na-iidentify na alleged vote buyer, ‘yong ginagawa ng mga volunteers binabantayan na ‘yong mga bahay nila para hindi maka-buwelo.”

Mungkahi ni Robredo, “Ang dapat na ginagawa natin, na kahit may tumatanggap, dapat hindi susundan ‘yong boto na parang meron kang utang na loob sa nagbigay.”

Sa isang tweet, sinabi naman ni COMELEC commissioner James Jimenez na hindi dapat ito hinihikayat sa mga botante.

“I disagree with the notion of taking the money and voting according to your conscience. Vote buying is an election offense regardless of financial situation or noble intentions. Di dapat ginagawa, at di dapat sina-suggest yan sa mga botante,” sabi ni Jimenez.

(NP)

The post VP Robredo, binigyang-diin na tutol siya sa vote buying appeared first on News Patrol.



VP Robredo, binigyang-diin na tutol siya sa vote buying
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments