VP Leni: Vote buying? Tanggapin ang pera pero iboto ang nasa konsensya

Sinabi ni Vice President Leni Robredo sa publiko na ayos lang na tanggapin ang ibinibigay ng mga kandidato na pera pang-vote buying pero dapat ay bumoto pa rin nang naaayon sa konsensya.

Tugon ito ni Robredo sa tanong kung paano nila lalabanan ang vote buying sa hanay ng mga taga-suporta niya sa virtual dialogue sa mga Filipino househelp.

“Lagi kong sinasabi, tanggapin niyo kasi galing sa inyo ‘yan. Pera ‘yan ng taumbayan. Pero iboto mo kung ano ang nasa konsiyensiya mo,” ani Robredo.

“Pakiramdam nila, may utang na loob sila kasi tinanggap nila ang pera, pero hindi. Kapag namimili ng boto at iyong resulta ng eleksyon ay talo siya, mag-iisip na ‘yun na hindi effective ang pagbili ng boto,” dagdag pa ng presidential aspirant.

Pero bago iyan, nilinaw ni Robredo na tutol siya sa vote buying at mariin niya itong tinututulan lalo’t naging biktima rin siya nito noong una siyang kumandidato.

“Magiging honest ako sa inyo, ha? Kasi nung nag-run ako for congressman, grabe ‘yung bilihan ng boto sa amin. Alam mo, mali siya, mali ‘yung pagbibili ng boto. Pero ‘yung sinasabi ko sa tao, tanggapin nyo… ‘Yung pinangbibili ng boto, pera din ‘yan ng taongbayan,”  sabi ni Robredo.

“Kung binibili niya ang boto, hindi niya gagamitin ang sarili niyang pera pa ipambili nun. May pinanggalingan iyon na hindi tama,” ani Robredo.

At bagamat naniniwala ang bise presidente na iligal ang vote buying, mas mahirap umano itong matukoy ngayon lalo’t ang iba ay isinasagawa na sa pamamagitan ng electronic transfer.

Dagdag pa ng presidential aspirant, huwag umanong magpasindak ang publiko dahil hindi naman umano malalaman ng mga nagbo-vote buying kung sino ang iboboto ng isang indibidwal.

“They are those who intimidate people by saying, malalaman ko ang boto mo. Hindi po, wala pong paraan para malaman kung ano ng binoto mo,” pagdidiin niya.

(Toni Tambong)

The post VP Leni: Vote buying? Tanggapin ang pera pero iboto ang nasa konsensya appeared first on News Patrol.



VP Leni: Vote buying? Tanggapin ang pera pero iboto ang nasa konsensya
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments