Apat na lungsod sa NCR, nakamit na umano ang herd immunity laban sa COVID-19

Apat na lungsod mula sa 17 local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR) ang sinasabing naabot ng herd immunity laban sa COVID-19.

Ito ay ang mga lungsod ng San Juan, Las Pinas, Marikina at Taguig.

Ang herd immunity ay tumutukoy sa sapat na bilang ng populasyong kinakailangang mabakunahan kontra COVID-19 upang maging immune ang malaking bilang ng mga residente ng isang lugar.

Mula 60% hanggang 70% ng populasyon ang karaniwang target ng mga bakunado para makamit ang herd immunity.

San Juan City

Inanunsyo ni San Juan City Mayor Francis Zamora na noong August 10 pa naabot ng lungsod ang herd immunity matapos nilang mabakunahan ang 98,590 residente nito o 74.4% ng kabuuang populasyon.

Sa pinakabagong report ng San Juan Public Information Office hanngang nitong October 24, naitala ng lungsod ang 176,573 kabuuang bilang ang nabakunahan ng dalawang doses.

 Las Pinas

Kahapon naman, October 25, nang sabihin ni Las Pinas Mayor Imelda Aguilar na naabot na rin ng lungsod ang herd immunity.

Ayon kay Aguilar, 90.6% ng target population o 447,086 ang fully vaccinated na laban sa sakit at 99.9% naman ang nakatanggap na ng first dose.

Umabot naman ng 449,555 indibidwal ang nakatanggap ng unang dose na 64.6 porsyento ng populasyon ng lungsod.

Ayon naman sa Las Pinas Public Information Office, ang lungsod ay may populasyon na 638,694.

Taguig City

Nitong October 14 naman ay sinabi ng Taguig City LGU na naabot na nila ang full vaccination sa 100% ng target na populasyon.

Sa tala bago ang nabanggit na araw, 611,990 indibidwal na ang fully vaccinated sa lungsod o 70% ng 872,980 ng populasyon.

Marikina City

Sa panayam ng TeleRadyo ay inihayag ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro nitong October 21 na nakuha na rin ng kanilang lungsod ang target na populasyo ng binakunahan kontra COVID-19 o herd immunity.

“Ang magandang nakikikita natin dito, dahil marami ngang nabakunahan na, meron na tayong herd immunity, four percent lamang ng active cases natin ang nasa ospital,”pahayag ni Teodoro.

Ayon kay Teodoro na nasa 382,000 indibidwal na ang nabakunahan o 78 porsyento ng populayson ng lungsod.

Sa kasalukuyan ay puspusan pa rin ang pagbabakuna na ginagawa ng mga lokal na pamahalaan upang maabot ang kani-kanilang target patungo sa herd immunity.

(Toni Tambong)

The post Apat na lungsod sa NCR, nakamit na umano ang herd immunity laban sa COVID-19 appeared first on News Patrol.



Apat na lungsod sa NCR, nakamit na umano ang herd immunity laban sa COVID-19
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments