VP Leni Robredo lalaban na; tuloy na sa pagtakbo bilang pangulo sa 2022

Tinuldukan na ni Vice-president Leni Robredo ang matagal nang hinihintay na sagot ng nakararami.

Ilang buwan ding hinintay ng kanyang mga taga-suporta at maging kalaban sa pulitika ang desisyon nito kung tatakbo o ba o hindi.

Kaninang bandang alas onse ng umaga, inanunsyo na ni VP Robredo ang pagtakbo niya bilang pangulo ng bansa sa 2022 elections.

Humarap si Robredo sa kanyang mga taga-suporta para ihayag ang napakahalagang anunsyong ito.

“Mahaba ang daang tinahak natin para makarating sa araw na ito. Hindi ko binalak tumakbo. Iniisip ko nang bumalik na lang sa probinsya namin kung saan marami rin ang umaasa sa aking tumulong magpanday ng pagbabago,” ayon kay Robredo.

Humingi din siya ng pasensya dahil sa kinailangan niya umanong pag-isipang mabuti ang kanyang magiging desisyon.

“Sa prosesong ito (discernment), walang naging lugar ang ego o pansarili kong interes. Mabigat na responsibilidad ang pagkapangulo. At hindi ito pwedeng ibase sa ambisyon o sa pag-uudyok ng iba.”

Matatandang noong nakaraang linggo ay inendorso si Robredo ng grupong 1Sambayan para pambato nila sa pagka-presidente.

“Pagdating sa pamumuno, iisa lang dapat ang konsiderasyon: Ano ba ang pinakamabuti para sa bansa natin? Lalong matimbang ang tanong na ito dahil sa napakalaking hamon ng pandemiya.”

Nagsigawan naman ang kanyang mga taga-suporta nang ianunsyo niya ang pagtakbo bilang pangulo.

“Tatalunin natin ang luma at bulok na klase ng pulitika. Ibabalik natin sa kamay ng karaniwang Pilipino ang kakayahang magdala ng pagbabago,” sabi pa ni Robredo.

Sinabi rin ni Robredo na buo ang kanyang kalooban sa pagtakbo bilang pangulo.

“Buong-buo ang loob ko ngayon. Kailangan nating palayain ang ating sarili mula sa kasalukuyang sitwasyon. Lalaban ako, lalaban tayo, inihahain ko ang aking sarili bilang kandidato sa pagka-pangulo sa halalan ng 2022,” dagdag pa niya.

Samantala, ayon sa ilang sources, si Senador Kiko Pangilinan ang napiling vice presidential running mate si VP Leni at nakatakdang pormal na ihayag bukas, Oct. 8, ang huling araw ng paghahain ng certificates of candidacy (COC).

The post VP Leni Robredo lalaban na; tuloy na sa pagtakbo bilang pangulo sa 2022 appeared first on News Patrol.



VP Leni Robredo lalaban na; tuloy na sa pagtakbo bilang pangulo sa 2022
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments