Noli de Castro, nagpaalam na sa programa sa radyo para tumakbong senador

(Photo courtesy: Screengrab from ABSCBN Teleradyo Youtube)

Magbabalik-pulitika na si “Kabayan” Noli de Castro.

Nagpaalam na sa  kanyang programa sa radyo si Noli de Castro ngayong Huwebes ng unaga, Oct. 7, para muling sumabak sa pulitika.

“Sorry to say na ito ho ang huling araw ko na dito sa Teleradyo for so many years,” sabi niya sa kanyang morning program sa Teleradyo na “Kabayan.”

Tatakbong senador si Kabayan sa ilalim ng partidong Aksyon Demokratiko ni Mayor Franciso “Isko” Moreno Domagoso na tatakbo namang pangulo.

“Ako po’y makikipagsapalaran sa bagong uri ng panunungkulan o public service pero tuluy-tuloy ho ang ating public service,” pahayag ni De Castro.

“Medyo sa pagkakataon na ito, mas magiging malawak na po ang isasagawa kong public service kung suswertehin sa tulong na rin po ninyo.”

Ayon pa kay De Castro nalulungkot siyang aalis ABS-CBN Teleradyo nang wala pa ring prangkisa ang network.

Hangad niya na sana lahat ng mga natanggal sa ABS-CBN dahil sa kawalan ng prangkisa ay makabalik na.

Nagpasalamat din si De Castro sa mga tapat niyang tagapakinig sa nakalipas na maraming taon at humingi ng dasal para sa kanya sa muling pagsabak sa pulitika.

Ito na ang pangalawang beses na tatakbo si De Castro bilang senador.

Noong 2001, nanguna siya sa senatorial election kung saan nakakuha siya ng 16million votes.

Hindi niya natapos ang kanyang anim na taong termino bilang senador matapos namang manalo bilang vice-president noong 2004 sa ilalim ng administrasyon ni dating pangulong Gloria Arroyo.

Nagbalik broadcasting naman si “Kabayan” noong 2010 pagkatapos ng kanyang termino bilang vice-president.

Muli siyang naging anchor sa primetime newscast ng ABS-CBN na “TV Patrol” at nag-host din sa radio morning program sa Teleradyo.

Si Kabayang Noli De Castro ay ipinanganak sa Pola, Oriental Mindoro. Nagtapos siya ng kursong Banking and Finance mula sa University of the East.

The post Noli de Castro, nagpaalam na sa programa sa radyo para tumakbong senador appeared first on News Patrol.



Noli de Castro, nagpaalam na sa programa sa radyo para tumakbong senador
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments