(Photo courtesy: Screengrab: PTV fb)
Nagkasundo na ang mga mayor ng Metro Manila Council sa protocols na ipatutupad sa paglabas ng mga menor de edad sa ilalim ng Alert Level 3.
Sinabi ni MMC chairman and ParaƱaque City Mayor Edwin Olivarez na sa kabila ng hindi masyadong pagkahawa ng mga kabataan sa COVID-19 ay maaari pa rin silang maging “superspreaders” ng virus, lalo na ang mga hindi pa nababakunahan.
“Alam naman po natin ‘yung atin pong mga minor hindi pa ho sila bakunado. So, limited lang po ang paggalaw ng ating mga kabataan dito sa Alert Level 3,” sabi ni Olivarez sa interview sa ABS-CBN TeleRadyo.
Sinabi ni Olivarez na ang mga edad 17 anyos pababa ay papayagang lumabas kung essential ang gagawin kabilang na ang medical reasons.
Kapag may part time na trabaho ay papayagan din silang bumiyahe.
Ang pag-e-ehersisyo ay lilimitahan sa kanilang mga barangay lamang.
Hindi pa rin pwede sa dine in services ang mga menor de edad.
“‘Yun lang essential muna habang tinitingnan natin ang pagbubukas ng ekonomiya na dahan-dahan. ‘Pag binigla po natin, ito po ‘yung kinatatakutan ng atin pong mga health worker na magkaroon ulit tayo ng surge,” dagdag pa ni MMC chair Mayor Olivarez.
Noong October 15 ay nagsimula na ang pagbabakuna sa mga kabataang edad 12-17 na may comorbidities o pre-existing health conditions para maproteksyunan din sila laban sa virus.
(Toni Tambong)
The post Mahigpit na protocol sa paglabas ng mga bata sa NCR, ipatutupad appeared first on News Patrol.
Mahigpit na protocol sa paglabas ng mga bata sa NCR, ipatutupad
Source: Trending Filipino News
0 Comments