Isa patay, 3 sugatan sa tumaob na motorbanca sa Cebu

(Photo courtesy: PCG)

Nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 52 pasahero ng tumaob na motorbanca sa Gato Island at Garrasa Island sa Daanbantayan, Cebu.

Nakuha din ang namatay na isang babaeng senior citizen na pasahero ng motorbanca.

Nakatanggap umano ng ulat ang PCG Sub-Station Daanbantayan mula sa Mercury motorbanca hinggil sa insidente kung saan sakay nito ang 46 na pasahero at 7 crew.

Agad namang tumulak ang PCG Sub-Station Malapascua at PCG Sub-Station Daanbantayan sa baybayin upang tulungan ang mga biktima.

Umalis umano ang motorbanca sa Barangay Poblacion, Daanbantayan patungong Carnasa Island nang walang PCG clearance.

Sa kanilang paglalakbay sa karagatang sakop ng Gato Island, naging matitindi at malakas ang alon. Pinasukan ng tubig ang harapang bahagi ng motorbanca kaya ito tumaob.

Tumulong naman ang mga nagdadaang motorbanca na sagipin ang mga pasahero at ibiniyahe ang 52 survivor.

Ang tatlong sugatan ay isinugod naman sa Daanbantayan District Hospital para mabigyan ng atensyong medikal.

Ang natitirang 49 na pasahero ay dinala naman sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Evacuation Center para sa kaukulan pang tulong.

Ang isang babaeng senior citizen na namatay ay agad dinala sa Maya Port.

Muli namang nagpaalala ang PCG sa mga boat captain at motorbanca operators na sumunod sa polisiya na ipinapatupad ng ahensya.

Pinayuhan naman ng PCG ang mga operator ng bangka na huwag nang pumalaot o maglayag kapag hindi maganda ang lagay ng panahon upang maiwasan ang anumang aksidente sa dagat.

(Jocelyn Domenden)

 

The post Isa patay, 3 sugatan sa tumaob na motorbanca sa Cebu appeared first on News Patrol.



Isa patay, 3 sugatan sa tumaob na motorbanca sa Cebu
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments