(Photo: Christian Heramis; mga bumisita sa Manila South cemetery bago ito pansamantalang isara sa publiko. October 28, 2021)
Ngayon ang huling araw na bukas ang mga sementeryo sa buong bansa para makabisita ang publiko sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Nauna na kasing iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong isang linggo ang pagsasara sa mga sementeryo simula October 29 hanggang November 3.
Ito ay bilang pag-iingat na rin laban sa Covid-19 pandemic.
Ang ilang malalaking sementeryo, sa Metro Manila maagang nagsimulang magpapasok ng mga tao ngayong araw, October 28.
Manila South Cemetery
Sa Manila South Cemetery, mas maluwag at walang siksikan kahit sa loob o labas ng sementeryo.
Ang Manila South cemetery ay nasa bahagi ng South Avenue sa lungsod ng Makati pero ang namamahala ay ang lokal na pamahalaan ng Maynila.
Ayon kay Director Raffy Mendez ng Manila South Cemetery, nasa 30 percent na kapasidad lamang ang kanilang pinapayagan kung saan inaabisuhan ang mga senior citizen at mga menor de edad na huwag nang magpunta pa sa nasabing sementeryo.
Tulad ng patakaran ng ibang sementeryo, ipinagbabawal din ang pagdadala sa loob ng sementeryo ng mga matutulis na bagay, sigarilyo, alak, flammable materials, at mga gamit na nagdudulot ng ingay.
Sinabi pa ni Mendez na isasara ang Manila South Cemetery mamayang alas-5:00 ng hapon kaya’t inaabisuhan ang publiko na kung maaari ay tapusin na o lumabas na ng sementeryo bago ang itinakdang oras.
Patuloy naman sa pag-iikot ang mga tauhan ng Manila South Cemetery para masigurong nasusunod ang lahat ng patakaran sa loob ng sementeryo.
Manila North Cemetery
Samantala, sa Manila North Cemetery naman, ang isa sa pinakamalaking sementeryo sa bansa ay maagang bumisita ang mga kamag-anak ng nakalibing doon.
Alas sais pa lang ng umaga ay nagpapasok na ng mga taong bibisita sa puntod sa Manila North Cemetery.
Nakabantay na rin ang mga pulis at marshal upang tiyakin na nasusunod ang health protocols.
Hiwalay ang pila ng mga babae at lalaki.
Sa entrance, kinukumpiska na ang mga gamit na bawal ipasok sa sementeryo ang gaya ng mga sigarilyo at lighter.
Hinarang din ang mga nagsama ng menor de edad, ngunit kinalaunan ay pinagbigyan na lamang pumasok.
Pati mga tindahan ng bulaklak ay maagang nagbukas para sa mga mamimili.
(w/ report from Christian Heramis)


The post Ilang sementeryo, maluwag pa rin sa huling araw ng pagbubukas nito sa publiko appeared first on News Patrol.
Ilang sementeryo, maluwag pa rin sa huling araw ng pagbubukas nito sa publiko
Source: Trending Filipino News
0 Comments