Hotel workers sa NCR, halos fully vaccinated na lahat ayon sa DOT

Halos lahat ng hotel workers o 99% ng mga empleyado sa hotel industry sa National Capital Region (NCR) ang fully vaccinated na kontra COVID-19, ayon sa Department of Tourism (DOT) nitong Sabado, October 16.

“Dito sa NCR alone kung ang pag-uusapan yung nagtatrabaho sa mga hotel we have 44,234 lahat po yun and good news is 99% po nun is fully vaccinated,” ayon sa pahayag ni DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa panayam ng DZBB.

“Medyo malaki 44,234 pero ‘yun lamang yung active kasi maraming sa ngayon medyo flexitime eh pero inaasahan namin habang ngayon nagbubukas bumababa ang mga kaso mas maraming magkakatrabaho,” dagdag pa ni Puyat.

Ayon kay Puyat, napakahalaga talaga na mabakunahan ng COVID-19 vaccine ang mga manggagawa sa tourism sector dahil karaniwan silang humaharap sa mga tao. Isang paraan na rin ito para makabalik na sila sa kanilang mga trabaho.

Sa kabilang banda, malungkot naman niyang ibinahagi na halos isang milyong tourism workers ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

“Kasi noong 2019 ang nagkatrabaho dahil sa turismo ay 5.7 million people tapos dahil sa pandemya bumaba ito 4.6 million, kaya napaka-importante talaga na mag-start ang tourism para magkatrabaho na yung nawalan ng trabaho,” ayon pa kay Puyat.

Masayang tinanggap naman ni Puyat ang paglalagay sa Metro Manila sa Alert Level 3 status, lalo pa at mayroong ilan na tourism-related establishments ang maaari na mag-operate.

Kasama sa mga tourism-related establishment ang restaurants, venues at social events, maging ang mga tourist attractions na pinayagan ang 30% na kapasidad.

Papayagan na rin ang mga DOT-accredited staycation hotels na mayroong Safety Seal certification ngunit para lamang sa mga fully vaccinated na edad 18 pataas.

Ang Metro Manila ay isinailalim sa Alert Level 3 simula noong October 16 at tatagal hanggang sa October 31.

 

(Toni Tambong)

The post Hotel workers sa NCR, halos fully vaccinated na lahat ayon sa DOT appeared first on News Patrol.



Hotel workers sa NCR, halos fully vaccinated na lahat ayon sa DOT
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments